Death toll sa sumabog na bomba, 4 na
MANILA, Philippines — Umakyat na sa apat katao na kinabibilangan ng tatlong bata at isang lola ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng isang hindi pa natutukoy na klase ng bomba sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, Roxas, Isabela nitong Linggo ng umaga.
Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina John Mark M. Peralta, 8-anyos, Grade 3; John Yohan J. Binuyat, 8; Emmanuel C. Disamito,10; at alyas Lola Rosa, 85, na kapwa mga residente sa lugar.
Batay sa inisyal na ulat, alas-9:00 ng umaga ay isang babae umano ang nakakita sa mga biktima na naglalakad sa kalsada at may pinulot umanong isang metal na bagay na at ipinukpok sa bato ng isa sa mga biktima na naging sanhi para ito ay sumabog.
Nasawi ang tatlong menor-de-edad kabilang ang 85-anyos na lola na noon ay napadaan lamang sa lugar para pumunta sana umano sa simbahan.
Apat pang menor-de- edad ang agad naman na isinugod sa pagamutan matapos magtamo ng sugat dahil sa pagsabog.
Patuloy ang masusing imbestigasyon na isinasagawa ng pulisya para matukoy kung anong uri ng bomba ang sumabog at kung paano napunta sa lugar.
- Latest



















