National Land Use Policy kailangan vs sakuna - Solon
MANILA, Philippines — Iginiit ni Surigao del Norte 1st District Rep.Francisco “Lalo” Matugas ang pangangailangan ng isang komprehensibong pambansang polisiya sa paggamit ng lupa upang mabawasan ang panganib ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang sakuna.
Ayon kay Matugas, chairman ng House Special Committee on Land Use, dapat isaalang-alang ang hazard information sa pagpapasya kung saan itatayo ang mga komunidad, kalsada, paaralan, negosyo at malalaking imprastraktura.
Aniya, bagama’t hindi mapipigilan ang bagyo at malalakas na pag-ulan, maaaring mabawasan ang epekto nito sa pamamagitan ng maayos na land use planning.
Sinabi ni Matugas na layunin ng panukalang National Land Use Act ay maglatag nang pangmatagalang balangkas na mag-uugnay sa land use planning, disaster risk reduction, pangangalaga sa kalikasan, agrikultura, pabahay, imprastraktura at pag-unlad ng ekonomiya.
Naaprubahan na ng House of Representatives ang bersyon nito ng National Land Use Act noong Mayo 5, 2026, habang nakabinbin pa sa Senado ang mga kaukulang panukala.
Ayon kay Matugas, mahalaga ang batas upang matiyak na ang disaster resilience ay isinasaalang-alang bago pa man itayo ang mga proyekto at pamayanan.
- Latest














