TV5, pinatitibay ang mga programa

Mas pinatitibay ng TV5 ang mga programa, entertainment partnerships, at broadcast coverage nito bilang paghahanda sa 2027.
Ibinahagi ng Kapatid Network ang mga plano nito sa ginanap na thanksgiving celebration sa Grand Hyatt Manila, kung saan nagsama-sama ang mga advertiser, agency partners, at entertainment personalities upang ipagdiwang ang mga naging tagumpay ng TV5 ngayong 2026.
Kabilang sa mga tampok na programa ng network ang Eat Bulaga, ang pinakamatagal nang umeere na noontime show sa bansa, kasama ang Mommy Guard at Vibe+. Tampok din ang Gandang Mornings with Ate Koring at Rated Korina, isa sa pinakamatagal nang umeere na magazine programs sa bansa na parehong pinangungunahan ni Korina Sanchez-Roxas.
Isa rin sa mga tampok ng selebrasyon ang patuloy na partnership ng TV5 at ABS-CBN, na pinagsasama ang kanilang mga talento at creative resources upang makapaghatid ng mas maraming entertainment experiences sa mga Pilipino.
Sa ASAP XP, nagsasama sa iisang entablado ang mga Kapatid at Kapamilya star para sa isang bagong musical entertainment experience.
Magpapatuloy rin ang kanilang pagtutulungan sa isang Christmas special na magsasama-sama sa mga artista at creative talents ng dalawang network para sa isang malaking pagdiriwang ngayong Kapaskuhan.
Nakibahagi rin sa kasiyahan ang mga ASAP star na sina Angeline Quinto, Jed Madela, Kai Montinola, Marielle Montillano, JM Dela Cerna, at Esang de Torres, kasama ang TV5 Divas na sina Carmela Lorzano, Gianna Huelgas, Selina Griffin, at Kaitlyn King.
Tampok din ang isang duet nina Iñigo Pascual at Janella Salvador at isang espesyal na performance ni Pops Fernandez
Naging bahagi rin ng pagtitipon ang iba’t ibang kumpanya at brand mula sa MVP Group.
Naging posible ang selebrasyon sa suporta ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC).
Bukod sa mga programa, patuloy ding pinapalakas ng TV5 ang broadcast signal nito bilang paghahanda sa analog television switch-off sa Mega Manila.
Sa pamamagitan ng upgraded digital terrestrial television (DTT) transmitter nito sa Antipolo, mahigit doble na ang transmission power kumpara noon upang makatulong sa pagpapaganda ng digital TV reception.
May mga karagdagang upgrade pang nakaplano para sa 2027, habang patuloy rin nilang pinalalawak ang digital television coverage nito sa Luzon, Visayas, at Mindanao hanggang 2029.
Pinalalawak din nila ang digital capabilities nito sa pamamagitan ng Kayana at BoltOS, upang magkaroon ng mas maraming paraan ang mga manonood na makipag-ugnayan sa network at ang advertisers na maabot ang kanilang target audiences.
Magkakaroon din ng mga bagong interactive feature ang refreshed TV5 website, kabilang ang chats, polls, quizzes, at sponsored activities.
Samantala, ipinakilala rin ng MediaQuest ang mas pinagsama-samang kakayahan ng mga news organization nito at ang nalalapit na paglulunsad ng Bilang Pilipino 2028.
Gagamit ang election coverage initiative na ito ng data analytics upang makapaghatid ng mas malawak at mas malalim na pagbabalita tungkol sa 2028 national elections.
Binigyang-diin din ni MediaQuest at TV5 President and CEO Ricky P. Vargas ang kahalagahan ng patuloy na pag-angkop sa nagbabagong pangangailangan ng mga manonood at advertisers. “We want to build a media ecosystem that delivers greater value to audiences, stronger connections for brands, and measurable growth for our partners,” ani Vargas.
“Because at MediaQuest and TV5, we don’t just want you to advertise with us. We want you to build with us,” dagdag pa niya.
Para naman kay MPIC Chief Finance, Risk, and Sustainability Officer Chaye Cabal-Revilla, malaki ang potensyal ng TV5 dahil sa mga talento, malikhaing ideya, at mga programang nakaaabot sa mga Pilipino. “TV5 has a strong foundation, with talented people, creative minds, and programs that connect with Filipino audiences. Together with the support of the MVP Group and our advertisers and industry partners, we have even greater opportunities to build on these strengths,” ani Cabal-Revilla.
Sa patuloy na pagpapalakas ng mga programa, broadcast coverage, digital platforms, at partnerships, layunin ng TV5 na makapaghatid ng mas maraming pagpipilian at mas magandang viewing experience para sa mga Pilipino sa 2027.
- Latest

























