Willie, itinanggi ang paghihirap
Sa unang pagkakataon ay inamin ng game show host-producer businessman na si Willie Revillame na tumagal umano ng pitong taon ang kanilang naging relasyon ng ex-SexBomb member na si Sugar Mercado at naging masaya umano sila nung mga panahong sila pa. Katunayan, napamahal din kay Willie ang dalawang anak ni Sugar sa kanyang ex-husband na Filipino-Chinese businessman.
Klinaro rin ng negosyante ang tungkol sa diumano’y naghihirap na siya dahil sa pagbebenta niya ng ilan sa kanyang properties including his property sa Tagaytay.
Bilang isa umanong negosyante, ang pagbebenta ng ari-arian at paglilipat ng investment sa iba ay normal na bagay laluna kung kumita naman nang malaki sa mga property na ibinenta.
Naunsyami man ang pagpapalabas ng bagong game show ni Willie, ang Wilyonario sa TV5, dahil sa pagkawala ng President-CEO ng MediaQuest na si Jane Basas dahil ito umano ang ka-deal niya pero palabas naman ang programa sa kanyang sariling website.
Isa umano sa major reason kung bakit hindi na-air sa TV5 ang Wilyonaryo ay dahil sa isang segment nito na tila sugal ang dating dahil bibili ng tickets ang viewers na ira-raffle off sa electronic randomizer at dito lalabas ang mga winner na ang max ay P1M.
Willie is turning 65 sa darating na Jan. 27.
Emil Sandoval, tanggap ang trip ni Salome
Tiyak na marami ang masa-shock sa rebelasyon ng mag-partner na Salome Salvi at Emil Sandoval na may kinalaman sa kanilang open relationship kahit mahal nila ang isa’t isa.
Malaki ang age gap ng adult content creator, VMX star, writer, singer, actress at painter na si Salome at veteran sexy actor of the ‘80s na si Emil Sandoval, anak ng namayapang actress from the Salvador showbiz clan na si Chona Sandoval. Pero sa kabila nito ay magkasundung-magkasundo ang dalawa.
Sa simula pa lamang ng kanilang relasyon ay klaro na sa gusto nilang mangyari kaya walang selosan at away na nangyayari.
Aminado si Emil na tapos na umano siya sa kanyang pambababae nung kabataan niya. Meron siyang mga anak sa iba’t ibang babae na karamihan ay nasa Amerika pero ang isa ay narito sa Pilipinas.
Wala rin sa plano ni Salome ang kasal at pagkakaroon ng anak bagay na sinang-ayunan naman ng actor.
Samantala, naikuwento sa amin ni Emil na never umano siyang sumubok ng drugs, alak at sugal laluna nung kabataan niya. “In fairness sa mom (Chona Sandoval) ko, ‘yun ang mga bagay na ayaw na ayaw niya. Pero sa babae naman ako nahilig,” natatawa niyang kuwento.
Sina Salome at Emil ay parehong naging biktima ng child abuse.
“Kaya nga relate ako sa kuwento ng buhay ni Salome,” pahayag ni Emil na matapos mamirmihan sa Amerika ng ilang taon ay nagdesisyong bumalik ng Pilipinas para ipagpatuloy ang kanyang acting career.
Taong 1984 nang magsimula siya sa showbiz, sa bakuran ng Regal Films (Regal Entertainment ngayon) pero nagpa-sexy rin siya sa mga pelikulang produced noon ng Emperor Films at ng ibang film production.
Rhen, tuloy ang natatanggap na blessing
Mananatiling brand ambassador ng CC6 Online Casino ang star ng My Husband is a Mafia Boss series on Viva One na si Rhen Escaño.
Masaya si Rhen sa patuloy na tiwala sa kanya ng kumpanya laluna ang ginagawa nilang charity works sa mga taong nangangailangan ng tulong laluna sa depressed areas.
Maganda ang pasok ng taong 2026 kay Rhen dahil bukod sa muli siyang ni-renew ng CC6, busy ito sa taping ng kanyang kauna-unahang Viva One series, ang adaptation ng hit Wattpad series na My Husband is a Mafia Boss na pinagtatambalan nila sa unang pagkakataon ng Viva actor na si Joseph Marco.
Umaasa rin si Rhen na muli siyang makakagawa ng bagong movie sa Viva.
- Latest





















