Bela may ibubuga!
May ibubuga talaga si Bela Padilla. Napanood ko ’yung unang pagpapalabas ng Magdalena at nakita ko na hindi lamang siya deserving maging bida dahil marunong siyang umarte. Maganda pa siya huh!
Hindi nagkamali ang GMA 7 na bigyan siya ng pagkakataon na umangat sa pagiging artista. Malaki ang pagkakataon niyang mas sumikat pa, magpatuloy lamang ang pagbibigay sa kanya ng magagandang assignment.
Tamang boto kailangan na, tama na ang pagdurusa
Mukhang pami-pamilya na naman ang pumapasok sa pulitika natin. Marami ang nagagalit dahil mas malamang sa hindi, ang pananalo ng may mga pamilyar na pangalan na dinadala. Okay sana kung qualified ang mga tumatakbo, may maitutulong sila sa pag-usad ng bansa pero paano kung wala, ang matatalo ay si Juan dela Cruz na naman. Hindi kasi sila marunong bumoto.
Mahabang taon na tayong nagdurusa pero hanggang ngayon eto pa rin tayo, hindi alam kung sino ang pagkakatiwalaan natin ng ating mahal na boto.
Kaya please bumoto naman tayo ng tama. Huwag aksayahin ang nag-iisang pagkakataon natin para mapaunlad ang bansa. Kung anuman ang katayuan ng ating bansa ngayon, dahilan ito sa mga binibigyan natin ng boto ng hindi muna natin pinag-aaralan kung ang mga taong inilagay natin sa puwesto ay karapat-dapat o baka nalinlang lang tayo.
Dingdong maraming pera
Ano naman ang diperensiya kung malaman ang halaga ng isinosyo ni Dingdong Dantes sa Tiktik: The Aswang Chronicles? Para kasing napaka-big deal nito kaya pinakalilihim sa lahat. Mababawasan ba ang ganda ng pelikula o papangit ba ito kapag nalaman kung magkano ang sosyo ng aktor? Para namang hindi.
Mas malalaman lang ng publiko kung gaano na karami ang ipon ng aktor at bibilib sila sa pagiging masinop nito. Mas lalaki nga ang respeto sa kanya ng lahat kapag nalaman na kaya na niyang magprodyus mag-iisa ng isang pelikula.
- Latest



















