ABS-CBN nanguna sa buong bansa
MANILA, Philippines - Muling namayagpag ang ABS-CBN Corporation sa national TV ratings nang makakuha ito ng average audience share na 42 percent o mahigit 12 puntos kesa GMA 7 na may 30 percent noong Setyembre sa primetime (6 p.m.-12 m.n.) kung saan pinakamarami ang nanonood ng TV at mas maraming advertisers ang naglalagay ng patalastas.
Base rin sa datos ng Kantar Media, nanguna rin ang ABS-CBN sa Metro Manila sa primetime sa average audience share na 35 percent laban sa 33 percent ng GMA.
Labingtatlo sa Top 15 pinaka-pinanood na programa noong nakaraang buwan sa bansa ay mula rin sa Kapamilya Network kung saan ang Top 10 slots ay pawang mula sa kanila. Ang ipinagmamalaking locally-produced na programa ng GMA na Amaya ay nasa ika-15 lang.
Una sa listahan ang nagdiriwang ng ika-20 anibersaryo na Maalaala Mo Kaya sa average TV rating na 32.8% at siya ring nanguna pagdating sa weekend programming. Sinundan naman ito ng 100 Days to Heaven sa average TV rating na 32% at siya ring nananatiling numero unong programa sa weekday.
Ang live airing naman ng prestihiyosong Miss Universe 2011 sa Sao Paulo, Brazil kung saan naiuwi ni Shamcey Supsup ang karangalang third runner-up, ay pumalo ng 31% sa umaga, na siyang pinakamataas na rating na naitala para sa isang beauty pageant. Hindi naman umabot sa kalahati ang rating ng Miss World na prinodyus ng GMA dahil nag-rate lang ito ng 9.2% sa primetime.
Samantala, ang pinakabagong pambato sa primetime ng Kapamilya na Nasaan Ka Elisa? ay agad na umakyat sa ikapitong puwesto sa average TV rating na 25.3% at patuloy na tinataob ang kalabang Munting Heredera ng GMA na pumapalo lang sa average TV rating na 19.4%
- Latest





















