Alapag sasagupa sa dating tropa

MANILA, Philippines — Lalabanan ni PBA legend Jimmy Alapag ang tropang tinulungan niyang makakuha ng anim na PBA championship.
Sasagupain ng NLEX ang nagdedepensang Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang upakan ng guest team Macau at Titan Ultra sa alas-5:15 ng hapon sa PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Sa paggiya ng 48-anyos na si Alapag ay umarangkada ang Road Warriors sa 5-0 record sa Group A kasunod ang San Miguel Beermen (4-2), Tropang 5G (3-2), Converge FiberXers (3-3), Giant Pandas (2-4), Terrafirma Dyip (2-4) at Giant Risers (1-5).
Nangunguna sa Group B ang Phoenix Fuel Masters tangan ang 4-1 kartada sa itaas ng Rain or Shine Elasto Painters (4-2), Barangay Ginebra Gin Kings (2-3), Magnolia Hotshots (2-3), Blackwater Bossing (2-3) at Meralco Bolts (2-4).
Si Alapag ay bahagi ng anim na korona ng TNT at naglaro sa PLDT franchise simula noong 2003 hanggang 2015.
Huling biniktima ng NLEX ang Converge, 119-107, kung saan umiskor si balik-import DeQuan Jones ng 28 points at may 24 markers si Schonny Winston.
“We’ll stay humble, knowing it’s still a long season to go and there’s a lot of hard work to do,” sabi ni Winston.
Tumakas naman ang TNT sa SMB sa overtime, 93-89, tampok ang paglalaro ni balik-import Rahlir Hollis-Jefferson, habang wala pa sa aksyon sina injured key players Jayson Castro, RR Pogoy, Calvin Oftana at Kelly Williams.
Sa unang laro, target ng Macau ang kanilang pangatlong dikit na panalo sa pagharap sa Titan Ultra.
Samantala, pinalagan ng Meralco ang pagtawag ni Rain or Shine coach Yeng Guiao kay veteran forward Cliff Hodge na ‘dirtiest player in the league’.
Ito ay matapos ang banggaan ng mga tuhod nina Hodge at Elasto Painters guard Adrian Nocum sa third period.
- Latest

















