^

Punto Mo

Zumba: Para saan?

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Laganap sa maraming barangay sa bansa ang mga sesyon ng Zumba. Bahagi na rin ito ng maraming okasyon tulad ng piyesta, pestibal, selebrasyon, paligsahan, pagtitipon, kasayahan, proyekto ng pampubliko at pribadong organisasyon, at maging simpleng “bonding” ng magkakakilala o magkakaibigan. Hindi na kataka-takang napakaraming Pilipino ang nahihilig dito.

Unang nakilala ang Zumba bilang isang uri ng fitness program na pinagsasama ang pagsasayaw at aerobic exercise. Gumagamit ito ng masasiglang musika at mga hakbang na hango sa iba’t ibang uri ng sayaw. Naging popular ito lalo na sa mga mahilig sumayaw at naghahangad na magbawas ng timbang o magkaroon ng malusog na pangangatawan.

Pero tila mas malakas ang impresyon ng marami na ­pangunahing layunin ng Zumba ang pagpapapayat. Kaya may mga taong mataba na regular na nakikilahok sa mga sesyon nito sa pag-asang liliit ang kanilang tiyan, mababawasan ang taba sa katawan at gaganda ang pangangatawan. Kaso, hindi lahat ng nagsasayaw nang halos araw-araw ay nakararanas ng ganitong pagbabago.

Dapat maunawaan na magkaiba ang pagbabawas ng timbang at pagbabawas ng taba sa katawan. Maaaring bumaba ang timbang dahil nabawasan ang tubig o muscle mass, pero hindi nangangahulugang lumiit na rin ang tiyan o naging mas payat ang pangangatawan. Hindi rin sapat na batayan ang timbangan upang malaman kung gaano karaming taba ang nabawas sa katawan.

Hindi naman nangangahulugang walang silbi ang Zumba. Isa itong aerobic exercise na nakatutulong sa pagpapalakas ng puso at baga, pagpapahusay ng stamina at pagsunog ng calories. May mga pag-aaral ding nagpapakita ng positibong epekto nito sa aerobic fitness at ilang sukat ng pangangatawan. Nakapagbibigay rin ito ng kasiyahan at pagkakataong makisalamuha sa ibang tao.

Gayunman, hindi dapat asahan na Zumba lamang ang sasagot sa lahat ng pangangailangan ng katawan. Mainam na samahan ito ng iba pang pisikal na aktibidad tulad ng mabilis na paglalakad, pagbibisikleta at paglangoy. Mahalaga rin ang mga ehersisyong nagpapalakas ng kalamnan tulad ng weight training at iba pang resistance exercises.

Mahalaga rin ang wastong pagkain. Hindi gaanong mababawasan ang timbang kung hindi babantayan ang dami ng kinakain at ang calories na pumapasok sa katawan. Kahit regular ang pag-Zumba, maaaring hindi mabawasan ang timbang kung mas marami pa rin ang calories na nakukuha sa pagkain kaysa sa nagagamit ng katawan.

Sa madaling salita, magandang paraan ang Zumba upang maging aktibo, mag-ehersisyo at magsaya. Pero kung ang pangunahing hangarin ay magbawas ng timbang, magbawas ng taba at magkaroon ng mas malusog na pangangatawan, hindi sapat na umasa lamang sa pagsasayaw. Kailangan pa rin ang wastong pagkain at iba pang angkop na pisikal na aktibidad bilang bahagi ng mas malawak na pangangalaga sa kalusugan.

••••

Email- [email protected]

ZUMBA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with