Isang taon pa para sa Windows 10
Marami ang natuwa nang ibalita ng Microsoft na maaari pang makatanggap ng libreng security updates ang Windows 10 sa loob ng isang taon sa ilalim ng Extended Security Updates (ESU) program. Magandang balita ito lalo na sa mga gumagamit pa rin ng Windows 10 ngunit wala pang kakayahang bumili ng bagong desktop o laptop na kayang patakbuhin ang mas bagong Windows 11.
Para sa mga hindi pamilyar, ang operating system (OS) ang pangunahing software ng computer. Ito ang nangangasiwa sa paggamit ng processor, memory, hard drive, keyboard, monitor at iba pang bahagi ng makina. Dito rin umaasa ang halos lahat ng programang ginagamit natin.
Noong Oktubre 14, 2025, natapos ang regular na suporta ng Microsoft para sa Windows 10. Ibig sabihin, wala na itong karaniwang libreng security updates laban sa mga bagong uri ng malware, ransomware, virus at iba pang cyberattack. Maaari pa ring gamitin ang Windows 10 ngunit habang tumatagal na wala itong mga update, mas tumataas ang panganib lalo na kung palaging nakakonekta sa internet.
Makikita rito kung gaano kalaki ang impluwensiya ng Microsoft sa industriya ng personal computer. Ilang dekada nang nakasanayan ng maraming Pilipino ang Windows mula Windows 95, 98, 2000, XP, Vista, Windows 7 hanggang Windows 10. Sa pagbili ng bago o segunda-manong computer, kadalasan ay Windows na agad ang naka-install kaya bihira nang isipin ng mamimili na mayroon pang ibang operating system.
Sa katunayan, mayroon ding macOS ng Apple, Linux, ChromeOS at iba pang operating system ngunit hindi ito gaanong nakikita sa mga computer shop dahil mas nakasanayan na ng mga technician at mamimili ang Windows.
Kapag nagpapa-format pa nga ng computer ang marami, Windows din ang karaniwang inilalagay ng technician nang hindi na tinatanong kung nais bang gumamit ng ibang operating system. Madalas kasi, Windows lamang ang installer na dala nila.
Magagamit pa rin ang Windows 10 kahit matapos ang suporta ng Microsoft. Makatutulong ang maaasahang antivirus program, regular na pagba-backup ng mahahalagang files at pag-iwas sa pagbisita sa kahina-hinalang websites o pagbubukas ng mga kahina-hinalang email at attachment. Mas ligtas din kung hindi ito laging nakakonekta sa internet.
Gayunman, darating ang panahon na maaaring hindi na gumana sa Windows 10 ang ilang bagong programa, browser, device at application dahil unti-unti na silang magtutuon ng suporta sa Windows 11 at sa mas bagong mga operating system.
Hindi naman nangangahulugan na walang silbi ang Windows 10. Tulad ng Windows XP at Windows 7, may mga gumagamit pa rin nito hanggang ngayon para sa mga simpleng gawain. Mahalagang tandaan na hindi lamang Windows ang umiiral sa mundo ng computer. Nakasanayan lang ito ng maraming tao Habang may panahon pa, magandang pag-aralan din ang iba pang OS na maaaring mas angkop sa pangangailangan at badyet ng bawat gumagamit.
* * * * *
Email- [email protected]
- Latest















