‘Nail Cutter’ (Part 8)
SI Melchor ang una kong naging kaibigan sa kompanya. Mabait siya at laging nakahandang tumulong. Matagal nang empleyado si Melchor. Si Melchor ang nagpaalala sa akin na huwag gagawa ng anumang labag sa bans ana aming pinagtatrabahuhan. Sinabi niya na mahigpit na ipinagbabawal ang alak, sugal at ang pakikipagrelasyon sa hindi asawa.
Pinayuhan ako ni Melchor na mag-ipon nang mag-ipon ng pera sapagkat walang nakaaalam kung hanggang kailan ang pagiging mayaman o maunlad ng Saudi. Maaring maubos ang mina ng langis. Sabi ni Melchor, hangga’t binata ako, kailangang ipon ako nang ipon.
Sinunod ko ang payo ni Melchor.
Dahil malaki ang tiwala ko kay Melchor, naisipan kong isangguni sa kanya ang tungkol sa kakaibang nail cutter na nabili ko sa Manfouha.
“Melchor, tingnan mo nga itong nail cutter na nabili ko.”
Iniabot ko ang nailcutter.
“Ang bigat ah! Saan mo nabili?”
Sinabi kong sa Manfouha.
“Bilihan ng segunda mano ‘yun.”
“Oo nga.”
“Parang kakaiba itong nabili mo, Bro. Parang antique ito. Sa tingin ko, ginto!”
“Talaga?”
“Oo. Iba ito. Mahal ito!”
“Magkano?” (Itutuloy)
- Latest















