Saan kumukuha ng pagkain ang Pinoy?
Saan nga ba kumukuha ng pagkain ang mga Pilipino, at ano ang sinasabi nito tungkol sa tunay na laman ng kanilang hapag-kainan? Sa tanong na ito umiikot ang mas malalim na usapin ng nutrisyon, kalusugan, at maging ng kakayahan ng bawat pamilya na pumili—o mapilitang pumili—ng pagkaing kanilang makakaya.
Noong 2023, nagsagawa ng pag-aaral ang Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology o DOST-FNRI. Lumabas na mahigit kalahati ng mga sambahayang Pilipino, o 50.9 porsiyento ang karaniwang kumukuha ng pagkain mula sa mga tradisyunal at madaling puntahang mapagkukunan tulad ng palengke, sari-sari store, karinderya, at mga street vendor. Samantala, 45.6 porsiyento naman ang bumibili sa supermarket o restawran, bagamat kadalasan ay minsan o dalawang beses lamang sa isang buwan. Mayroon ding humigit-kumulang tatlo sa bawat sampung sambahayan na umaasa sa iba pang paraan tulad ng food transfer, online delivery, o vending machines kahit paminsan-minsan.
Karamihan sa mga Pilipino ay mas gustong bumili sa mga tindahang kayang lakarin sa loob ng sampung minuto. Kapag kinakailangan namang sumakay, ang dagdag na gastos—na madalas ay lumalagpas sa limampung piso—ay nagiging hadlang na agad sa mas malawak na pagpipilian. Sa ganitong kalagayan, ang desisyon kung saan bibili ay hindi lamang usapin ng kagustuhan kundi ng praktikalidad at kakayahang pinansyal.
Kapansin-pansin din na mataas ang kamalayan ng mga Pilipino pagdating sa kalinisan at nutrisyon. Ayon sa datos, 93.8 porsiyento ang mas pumipili ng malilinis na tindahan, at 94.2 porsiyento ang nagsasabing mahalaga sa kanila ang pagkaing masustansiya at mabuti sa kalusugan. Sa unang tingin, tila malinaw na nais ng nakararami ang mas malusog na pagkain. Ngunit sa aktuwal na sitwasyon, hindi laging nagtatagpo ang kagustuhan at ang realidad.
Dito lumilitaw ang mas komplikadong problema. Hindi naman palaging madaling hanapin o abutin ang mga pagkaing tunay na masustansiya. Sa maraming komunidad, lalo na sa mga urban poor areas at maging sa ilang liblib na lugar, mas madaling makita at mabili ang mga pagkaing mataas sa asukal, asin, at taba—mga processed food, instant noodles, matatamis na inumin, at pritong pagkain na mura, mabilis ihanda, at madaling mabili. Sa kabilang banda, ang sariwang gulay, prutas, at iba pang masustansiyang pagkain ay maaaring mas mahal, mas madaling masira, o kaya’y hindi agad makukuha sa pinakamalapit na tindahan.
Sa maraming bahagi ng Pilipinas, sagana ang mga pagkaing processed, de lata, hindi masustansiya, at nakakasama sa kalusugan kaysa sa mga pagkaing dapat sana ay bumubuo sa balanced diet.
Marami ring pamilya ang napipilitang pumili batay sa kung ano ang kaya ng kanilang bulsa kaysa sa kung ano ang pinakamainam sa kanilang kalusugan. Ang mas murang pagkain ay kadalasang yaong may mas mababang nutritional value.
Ang tanong na “Saan kumukuha ng pagkain ang Pinoy” ay hindi lamang simpleng usapin ng lokasyon. Ito ay sumasalamin sa mas malalim na isyu ng access, affordability, at availability. Ipinapakita rin nito na ang responsibilidad sa pagpili ng pagkain ay hindi lamang dapat ipasa sa indibidwal. May papel ang pamahalaan, mga lokal na komunidad, at maging ang pribadong sektor sa pagtiyak na ang masustansiyang pagkain ay hindi lamang opsyon kundi isang madaling maabot na pamantayan.
•••••
Email- [email protected]
- Latest















