EDITORYAL - Hindi na makakaupo ang mga ‘buwaya’

KAPAG ang isang government official ay may naka-pending na kaso ng katiwalian, nararapat lamang na hindi siya paupuin o kung nakaupo na, dapat siyang sipain sa puwesto. Nararapat na alisin siya sapagkat ang isang nagtatrabaho sa gobyerno ay nararapat magpakita ng magandang halimbawa.
Sa hinaharap, maaaring magkaroon na ng katotohanan na agarang mapatalsik ang mga corrupt. Isang panukalang batas ang sinusulong sa House of Representatives para hadlangan na maupo sa puwesto ang isang opisyal ng gobyerno na may kasong graft. Agaran siyang paaalisin at hindi na makapagtrabaho sa pamahalaan.
Ito ang nilalaman ng House Bill 92 na isinusulong ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento. Ayon sa panukala, lahat nang elective at appointive officials na nahatulan ng graft and corruption ng Sandiganbayan ay agad hahadlangan na makapagtrabaho sa anumang pampublikong tanggapan.
Ayon kay Sarmiento, naniniwala siya na kung mahahadlangan ang mga government officials na may kasong graft, matutupad ang nais ng kasalukuyang administrasyon na mawalis ang mga corrupt sa bureaucracy. Sabi pa ni Sarmiento, masyadong malambot ang batas at hinahayaan ang mga opisyales na makaupo sa puwesto sa kabila na ang mga ito ay na-convict na sa katiwalian.
Kapag naipasa ang panukala, masususugan ang kasalukuyang election law na awtomatikong magdi-disqualify sa mga kandidatong may kaso o nakasampang kaso hindi lamang sa katiwalian kundi sa iba pang krimen. Kahit umano naka-apela ang kaso, hindi papayagan ang kandidato na makatakbo o ang sinumang opisyal na makaupo sa puwesto.
Ngayong talamak ang katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan gaya sa Customs, BIR, PCSO, Immigration, PhilHealth, at iba pa, nararapat suportahan ang panukala ni Sarmiento. Hadlangan na makaupo ang mga “buwaya”!
- Latest















