^

Punto Mo

Once upon a time… may isang asong nagngangalang Hachiko

DIKLAP - Ms. Anne - Pang-masa

SI Hachiko, na lahing Akita Inu, ay ipinanganak noong 1923. Ang asong Akita Inu ay ginagamit na pang-hunting dahil matutulis ang kanilang ngipin. Ito ang dahilan kung bakit sila ay itinuturing na dangerous dogs. Sa kabila ng pagiging mapanganib na aso, ang isang positibong ugali ng mga Akita Inu ay ang kanilang loyalty.

Nagmula si Hachiko sa Odate city Akita prefecture Japan. Napapunta siya sa Tokyo dahil noong tuta pa lang, siya ay ipinanregalo sa anak na babae ng isang propesor ng Agronomic Engineering na nagtuturo sa Tokyo University. Noong unang makita ni Propesor Eisaburo Ueno ang tuta, napansin niyang baluktot ang mga binti nito. Ang kanyang mga binti ay nagmumukhang kahugis ng kanji character na binibigkas sa Japanese na “hachi” na ang ibig sabihin ay “eight”. Simula noon ay tinawag nilang Hachiko ang tuta.

Nang mag-asawa ang anak, iniwan nito si Hachiko sa panga-ngalaga ng amang propesor. Tuwing umaga na papasok si Prop sa unibersidad, bumubuntot si Hachiko hanggang Shibuya station. Pagkahatid sa istasyon, uuwi si Hachiko sa bahay. Pagsapit ng hapon ay muli itong bumabalik sa istasyon para abangan ang paglabas ni Prop mula sa loob ng istasyon. Pagkatapos ay sabay na silang maglalakad pauwi sa bahay.

Isang araw ng 1925 ay inatake sa puso si Prop habang nagka-klase na siyang ikinamatay niya. Simula noon ay ang hardinero ng propesor ang nag-ampon kay Hachiko. Walang kamalay-malay si Hachiko sa nangyari sa kanyang amo kaya araw-araw ay patuloy pa rin siyang pumupunta sa Shibuya station. Nakaupo lang doon at maghapong hinihintay ang paglabas ng kanyang amo mula sa loob ng istasyon. Ginawa niya ang paghihintay kay Prop sa loob ng siyam na taon. Ang tambayan niya ay ang mismong kinatatayuan ng kanyang estatwa sa kasalukuyan.

Sumikat si Hachiko dahil isang estudyante ni Prop ang sumubaybay dito at pinag-aralan ang kanyang behaviour. Sinusundan niya si Hachiko pag-uwi sa bahay ng hardinero at inaabangan niya ito sa umaga papunta sa train station. Pati ang hardinero ay kanyang ininterbyu. Nagkataon kasing nagbe-breed siya ng Akita Inu. Ang research ay kanyang inilathala sa diyaryo. Noon nagsimulang mapansin si Hachiko. Maraming tao ang nagbibigay sa kanya ng pagkain kapag nagsimula na siyang tumambay sa harapan ng entrance/exit ng istasyon.

Noong 1934 ay iginawa si Hachiko ng metal na estatwa sa mismong spot na tinatambayan niya. Nang idaos ang grand ceremony para ipakita sa publiko ang estatwa ni Hachiko na gawa sa metal, sino pa ba ang guest of honor kundi ang mismong superstar na aso. Naging yari na lang sa semento ang kanyang estatwa sa kasalukuyan dahil noong World War II ay tinunaw ito ng  Imperial Army para gawing armas. Namatay si Hachiko sa edad na 11 noong 1935. Hanggang ngayon ay nananatili sa puso ng mga Hapones si Hachiko dahil naging simbolo ng unconditional love and loyalty.

 

        

vuukle comment

HACHIKO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with