Libreng sakay ng Makati hinarang ng LTFRB
MANILA, Philippines – Hiniling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa lokal na pamahalaan ng Makati na kumuha muna ng special permit para sa kanilang libreng sakay sa kanilang bus mula North Avenue Station sa Quezon City hanggang sa Ayala Avenue.
SInabi ng LTFRB sa kanilang liham kay Makati City Mayor Junjun Binay na kinakailangan munang makapagpasa ang Makati ng kaukulang papeles upang mapalawig ang libreng sakay ng tatlong buwan.
"The Board may issue a special permit for a non-extendible period of three months from the date of issuance," nakasaad sa liham na nilagdaan ni LTFRB Board member, Engr. Ronald Corpus.
Dagdag ni Corpus na kung nais pang palawigin pa ng Makati ang pagbibigay ng libreng sakay o magdagdag ng mga sasakyang gagamitin ay kinakailangan nilang magbigay ng letter of request sa Department of Transportation and Communications’ Assistant Secretary of Planning.
Upang makakuha ng special permit, kinakailangang magbigay ng Makati ng apat na kopya ng verified petition, original, kopya ng government identification card ng kung sinumang kinatawan at kopya ng OR/CR (official receipt and certificate of registration) ng dalawang bus at apat na coaster a ginagamit sa libreng sakay.
Hinihingian din ng LTFRB ang lungsod ng Makati ng kopya ng Personal Accident Liability Insurance mula sa LTFRB-accredited insurance group, orihinal na kopya ng Sangguniang Panglungsod Resolution na nagbibigay ng libreng sakay na mula Quezon City hanggang Makati City.
"We encourage the participation and cooperation of LGUs and other non-government sectors in helping solve the worsening traffic condition in the metropolis," pahayag ni LTFRB chairman Winston Ginez.
Suportado naman ng LTFRB ang programa ng Makati ngunit naniniwala silang kailangang magkaroon ng kaukulang permit upang matiyak ang kapakanan ng mga pasahero.
Tinukoy ni Ginez ang Section 13 ng Public Service Law na “LTFRB has the jurisdiction, supervision, and control over all public services and their franchises, equipment, and other properties, and has the necessary powers and the aid of the public force.â€
Nangako si Ginez na oras na dumating ang mga papeles ng Makati ay aasikasuhin nila ito kaagad.
- Latest



















