PAGASA: Habagat season nagtapos na
MANILA, Philippines — Opisyal nang nagtapos ang Habagat season matapos maobserbahan ang paglala ng high pressure system sa East Asia, paggalaw pa-timog ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at paghina ng hangin at pag-ulan na dulot ng southwest monsoon.
Ayon sa PAGASA, hudyat din ito ng pagtatapos ng tag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas. Nasa transition period na rin ang bansa bago ang pagpasok ng Amihan o northeast monsoon, na inaasahang mararamdaman sa ikalawang linggo ng Oktubre.
Nagsimula ang Habagat noong Mayo 30 habang idineklara naman ang pagsisimula ng tag-ulan noong Hunyo 4.
Samantala, sinabi ng PAGASA na patuloy na nakaaapekto ang El Niño sa bansa at inaasahang lalakas pa sa huling bahagi ng taon. Dahil dito, mas tuyot at maalinsangan ang inaasahang Amihan season kumpara sa mga nakalipas na taon.
- Latest



















