Hanging bridge bumigay,15 turista nahulog
MANILA, Philippines — Labinglimang turista ang nahulog makaraang bumigay ang tinatawiran nilang hanging bridge sa Brgy. Zabali, Baler, Aurora nitong Biyernes ng tanghali.
Sa ulat ng Baler Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente matapos na mapatid ang isang kable na nagdurugtong sa Zabali hanging bridge sa lugar.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang tumatawid ang 15 turista na pawang magkakamag-anak mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nang mangyari ang sakuna.
Dahil dito nahulog sa ilog ang lima habang ang iba naman ay nagawang makakapit sa napatid na kable.
Mabilis namang nagresponde ang rescue team ang nasagip ang mga turista kung saan dalawa sa ito ang nagtamo ng sugat sa katawan habang ang iba naman ay bahagyang galos lamang.
Bunga ng insidente ay napilitan ang mga residente na dumaan sa mas malayong highway upang makarating sa Poblacion ng Baler.
Nabatid na nadagdagan pa ng mahigit 20 minuto ang pagbiyahe ng mga tao sa lugar sa pagbigay ng nasabing tulay.
Nabatid naman na may kalumaan na ang nasabing hanging bridge na siyang sanhi ng pagbigay nito.
- Latest















