2 NPA, sundalo bulagta sa Masbate encounter
MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at isang sundalo ang nasawi habang isa pa sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan sa serye ng sagupaan ng magkabilang panig sa liblib na lugar sa Mobo, Masbate nitong Linggo, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Major Frank Roldan, spokesman ng Army’s 9th Infantry Division (ID) na ang napaslang na rebelde ay kinilala lamang sa mga alyas na “Ka Roco” at “Ka Lito”.
Narekober sa encounter ang sari-saring armas, mga kagamitang pandigma subersibong dokumento at personal na kagamitan ng mga rebelde.
Ayon kay Roldan, nagsasagawa ng focused military operations ang tropa ng mga sundalo nang makasagupa nila ang mga armadong rebelde na sangkot sa pangongotong sa komunidad partikular na sa mga liblib na lugar sa Bicol Region.
Sa nasabing pagpapanagpo, agad na nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng mga rebelde at mga sundalo na ikinasawi ng dalawa sa mga kalaban.
Gayunman, ayon sa opisyal ay isang sundalo ang nagbuwis ng buhay habang isa naman ang nasugatan sa nasabing bakbakan.
- Latest















