Pulis nag-amok: Dyowa tinodas, ina sugatan!

MANILA, Philippines — Binaril nang malapitan at napatay ng isang lasing na pulis ang kaniyang live-in partner habang sugatan naman ang ina ng ginang matapos matapos na mag-amok sa gitna ng mainitang pagtatalo sa kanilang tahanan sa Brgy. Zone 3, Digos City, Davao del Sur, kamakawala ng gabi.
Sa ulat nitong Lunes ni Lt. Col Glenn Ipong, officer-in-charge ng Digos City Police Station, nakadetine na ang nagwala at nakapatay na pulis na si Patrolman Orland Porquido Dinoy, 30-anyos, nakadestino sa Hagonoy Police Station sa Davao del Sur.
Ang nasawing ginang ay nakilala namang si Mealjoy Basilgo La Peña, nasa hustong gulang, dead-on-the-spot sa insidente matapos na mapuruhan ng mga tama ng bala.
Samantala, sugatan ang ina ni Basilgo na hilaw na biyenan ng suspek makaraang tamaan ng bala sa pagtatangkang awatin ang nag-aaway na mag-live in partner.
Sa report ng Digos City Police, naitala ang krimen sa tahanan ng mag-live in partner sa Brgy. Zone 3 ng lungsod dakong alas-8:30 ng gabi.
Base sa imbestigasyon, dumating sa kanilang inuupahang bahay ang nasabing pulis na lasing kasama ang anak nitong babae at bunga nito ay sinita siya ng kanyang kinakasama.
Dahil sa napundi sa katatalak umano ng biktima, nagwala ang nasabing pulis saka binunot ang kaniyang service firearm at pinagbabaril ang una.
Sa ulat ng mga barangay officials at mga police investigators na nagresponde sa insidente, agad na namatay sa maraming tama ng bala si Basilgo.
Binaril din ni Dinoy ang ina ni La Peña, na si Mirla, 50-anyos, na agad namang isinugod ng mga emergency responders upang malapatan ng lunas.
Agad namang nasukol at nadis-armahan si Dinoy ng mga pulis at barangay tanod na nagresponde sa insidente, na ngayon ay nakapiit na sa isang police detention facility.
- Latest

















