HVI sa Quezon timbog sa P3 milyong droga
CAMP NAKAR, Lucena City , Philippines — Muling nakaiskor ang Quezon Police Provincial Office (QPPO) sa kampanya kontra ilegal na droga matapos maaresto ang isang High Value Individual (HVI) at makumpiskahan ng mahigit sa P3 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Baybayin 2, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay QPPO Director PCol. Romulo Albacea, dakong alas–9:50 ng gabi nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit ang operasyon.
Naaresto ang suspek na si alyas “Mel”, 28 anyos, residente ng Sariaya, Quezon at tubong Marinduque. Nakuha mula sa kanya ang 6-pakete ng shabu na may timbang na 161 gramo, katumbas na halagang P3,284,000 street value.
Kabilang din sa mga nakumpiska ang buy-bust money na ?1,000, isang pouch bag, at isang motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng QPPO ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Pinuri ni Col. Albacea ang mga operatiba na pinamumunuan ni PLt. Col. Ruben Ballera at tiniyak na patuloy ang pinaigting na kampanya kontra droga ng Quezon PNP at hinikayat ang publiko na makipagtulungan upang tuluyang masugpo ang illegal na droga sa lalawigan.
- Latest




















