‘Tulak’ nagtatakbo sa runway, nasukol!

Drug ops nagtapos sa Pagadian airport...
MANILA, Philippines — Binalot ng tensiyon ang mga awtoridad sa isang tumatakas na drug suspect matapos na lumabag sa seguridad nang magtatakbo sa runway ng paliparan sa Pagadian City, Zamboaga del Sur nitong Sabado.
Sa pinagsamang ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Pagadian City Police, ang hot pursuit operation laban sa suspect na itinago sa pangalang Sammy ay nag-umpisa sa Brgy. Muricay ng lungsod dakong alas-12:15 ng hapon.
Gayunman, sa halip na sumuko ay nagtatakbo ang suspect hanggang sa umabot siya sa restricted area ng Runway 20 ng Pagadian Airport.
Dahil dito, nagtulung-tulong na ang mga barangay tanod, pulis at maging ang mga security personnel ng paliparan sa paghabol sa suspect na nakorner sa runway strip.
Ang suspect ay ineskortan sa premises ng paliparan at agad namang isinailalim sa kustodya ng Pagadian City Police para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban dito.
Ayon sa imbestigasyon ang suspect ay residente ng Brgy. Kawit ng lungsod at may kaso sa droga.
Samantala, sa kabila ng security breach, ayon sa CAAP ay normal ang operasyon ng paglipad ng mga eroplano at wala ring napinsalang kagamitan sa paliparan.
“CAAP assured the public that no flights were disrupted and no damage was sustained to airport facilities or equipment,” saad pa ng CAAP.
- Latest

















