2 bebot sinalvage, itinapon sa kanal

MANILA, Philippines — Dalawang babae na pinaniniwalaang biktima ng ‘salvage’ o summary execution ang nadiskubre ang mga bangkay sa isang kanal sa Brgy. Salaza,Palauig, Zambales nitong Huwebes ng alas-6:00 ng umaga.
Sa report ng Zambales Police, ang mga biktima ay kinilala sa mga alyas na Lengleng, taga-Tarlac at Khang,24 ng Brgy.Taltal,Masinloc, Zambales.
Ayon sa pahayag sa pulisya ng isang residente sa lugar, madaling araw noong Huwebes nang makarinig siya ng isang humahagibis na kotse at kasunod nito ay ang mga putok ng baril.
Kinaumagahan paggising ng naturang residente ay nagulantang na lamang ang kaniyang pamilya ng matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa may kanal.
Sa pahayag ni P/Captain Leoven Eduagen, Officer -in-Charge ng Palauig Municipal Police Station,si Lengleng ay may tama ng bala sa ulo habang si Khang ay nagtamo naman ng tatlong tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
Narekober din ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang limang basyo ng cal. 45 pistol at 15 sachet na hinihinalang pinaglagyan ng shabu at mga personal na kagamitan ng mga biktima.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya sa kasong ito upang matukoy at maaresto ang mga salarin para mabigyang linaw ang insidente.
- Latest




















