Bagitong marino hulog sa barko, patay!
COTABATO CITY, Philippines — Wala nang buhay nang matagpuan nitong Biyernes sa baybayin ng Barangay Patalon sa Zamboanga City ang isang dayong maritime service intern, makalipas ang tatlong araw nang aksidenteng mahulog diumano sa isang barkong nakahimpil sa isang pribadong pier sa naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, ang nasawing 23-anyos na si Michael
Totesona Malandac, taga-Puerto Princesa City sa Palawan, ay pansamantalang nakatira sa kanyang mga kamag-anak sa Zamboanga City kung saan siya ay isang apprentice sa isang inter-island vessel na may tanggapan sa naturang lungsod.
Unang iniulat ng kanyang mga kasama na aksidenteng nahulog si Malandac sa isang barkong naka-angkla
sa Barangay Sinunuc habang tatawid sana patungo sa katabi nitong isa pang barko gamit ang andamyo nitong Miyerkules.
Hindi na siya natagpuan ng mga kasamang nagsikap na hanapin siya matapos na mahulog sa dagat.
Natagpuan siyang wala nang buhay nitong Biyernes sa baybayin ng Barangay Patalon, ilang kilometro ang layo sa Barangay Sinunuc kung saan siya nahulog mula sa isang barko nitong Miyerkules at naiulat na missing mula noon.
- Latest




















