Sinas bagong PNP chief - Duterte
Pero ‘di pa lusot sa kaso…
MANILA, Philippines — Si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Police Major Gen. Debold Sinas ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong hepe ng Philippine National Police.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque at magsisimula si Sinas sa kanyang bagong posisyon ngayong araw kasabay ang pagbaba sa puwesto nang magre-retirong si outgoing PNP chief Gen. Camilo Cascolan.
Sinabi ni Roque na ang presidential appointments ay “very executive in character” at hindi kailangang magpaliwanag ng Pangulo sa kanyang mga appointment.
Pero binanggit din ni Roque na tinitingnan din ng Pangulo ang track record ng kanyang mga appointee at malaki ang nagawa ni Sinas sa war on drugs ng administrasyon.
Kung nasunod ang seniority o ang rule of succession, dapat ay si PNP deputy chief for administration Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng PNP kasunod ni Cascolan.
Agad din nilinaw ni Roque na hindi pa lusot ang bagong PNP chief sa kinakaharap na kaso tungkol sa isyu ng Mañanita at susundin pa rin ang batas.
Si Sinas kasama ang ilan pang opisyal ng pulisya ay nahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa panuntunan tungkol sa quarantine nang magdiwang ng kanyang kaarawan noong Mayo.
Matatandaan na iginiit ni Sinas na hindi sila lumalabag sa quarantine protocols sa isinagawang mañanita.
Nag-sorry rin si Sinas matapos ang kontrobersiya.
- Latest