Canadian na ‘utak’ sa nasabat na 1.4 toneladang shabu sa Batangas, arestado
MANILA, Philippines — Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang Canadian national na itinuturong sangkot sa pagkakasabat ng 1.4 toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas, kamakailan.
Ito’y kasunod ng ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division ng National Capital Region Police Office, Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 4A o CALABARZON at Bureau of Immigration.
Batay sa ulat na ipinarating sa Camp Crame, isinagawa ang operasyon kamakalawa sa Brgy. Maitim 2, Tagaytay City kung saan, naaresto si Thomas Gordan alyas James Martin.
Nakuhanan ng iligal na droga si Martin, subalit hindi pa isinapubliko ang halaga.
Magugunitang nakatakas ang suspek noong Abril 19 matapos ang isinagawang raid ng Nasugbu Municipal Police Office sa isang bahay nito sa Batangas.
Si Martin ay kasalukuyang wanted sa bisa ng Red Notice na inilabas ng International Police Organization o INTERPOL.
- Latest