Suklam (91)
Mula noon hindi na nagpakita ng motibo si Mara kay Brent. Tumalab marahil ang mga sinabi ni Brent dito. Kapag nagkakasalubong sila sa pasilyo ay hindi makatingin si Mara —tila nahihiya ito.
Ikinatuwa iyon ni Brent. Nailigtas niya ang sarili sa pagkalublob sa kasalanan. Kung hindi niya nabisto si Mara na may asawa ito, maaring magtuluy-tuloy ang paggawa nila ng kasalanan. Inaamin niya na tao lamang siya na natutukso at mahinang lumaban kapag nagpakita ang babae ng motibo.
Binalikan ni Brent sa isip ang sinabi ni Mara na pinuwersa lamang daw ito ng asawa kaya napilitang nagpakasal. Ibig sabihin ni Mara ay ginahasa siya ng asawa at dahil nangyari na iyon, napilitan na siyang magpakasal. Sinunod ni Mara ang kasabihan na kung “saan nadapa ay doon bumangon”.
Maaring totoo at maaring hindi ang sinabi ni Mara.
Pero kung totoo man na pinuwersa siya ng asawa, pinakasalan naman siya nito. Hindi naman siya tinakbuhan.
Kaya tama lamang na tinapat niya si Mara na hindi maganda ang ginagawa nitong panunukso o pagpapakita ng motibo sa kanya.
Mabuti at nakinig sa kanya si Mara. Luminaw ang isipan nito.
Isang hapon na nasa stockroom si Brent at nag-iimbentaryo, may naramdaman siyang tao na pumasok sa pinto. Dahan-dahang lumapit sa kanya.
(Itutuloy)
- Latest