Mass testing para lang sa PUIs at PUMs - DOH

MANILA, Philippines — “Hindi para sa lahat ang COVID mass testing kundi para lang muna sa mga Persons Under Investigation (PUIs) at Persons Under Monitoring (PUMs).”
Ito ang paglilinaw kahapon ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, pero magpapatupad pa rin sila ng “triage” o uunahin ang mas nangangailangan ng ‘testing’ buhat sa malaking bilang ng pasyente.
“Ang mass testing po na sinasabi natin ay hindi lahat ng tao sa ating bansa. Ito po ay magkakaroon din ng protocol. Kung sakaling itutuloy nga po ito, ‘yung mga may sintomas ang uunahin natin na i-test natin,” ayon kay Vergeire.
Kapag magpositibo sa pagsusuri, agad na ilalagay ang pasyente sa ‘community quarantine’ para tuluyang maihiwalay na sa publiko at hindi makahawa.
Abala ngayon ang pamahalaan sa pagtatapos sa mga paghahanda sa mga “community quarantine facilities” kabilang ang Rizal Memorial Coliseum, PhilSports Arena, Philippine International Convention Center, Cultural Center of the Philippines, World Trade Center at iba pa.
Ang lahat ng itatayong mga “quarantine facilities” ay may airconditioning unit, may libreng wi-fi connection at libre ang pagkain habang palagiang nakaantabay ang mga naka-duty na mga health workers.
Sa kasalukuyan ay nakapagtala ang DOH ng 6,002 PUIs at 6,331 PUMs bukod pa dito ang mga hindi naisusumiteng datos ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
- Latest
















