Ang karapat-dapat na national coach
Pakiusap ng mga PBA officials, kalimutan na muna ang kinasadlakan ng Gilas Pilipinas sa Incheon Asian Games at namnamin ang handog na maiinit na aksyon, eksena at selebrasyon ng PBA Season 40.
Ang balak ni commissioner Chito Salud ay palipasin na muna ang init, hapdi at hinanakit na dala ng kampanya ng Gilas Pilipinas sa Incheon Asian Games bago isa-isang kausapin ang mga PBA team owners at panghuli si SBP president Manny V. Pangilinan para pag-usapan ang national team program.
Ganoon din ang nasa isipan ni PBA board chairman Patrick Gregorio. “Let’s forget about the distractions brought about by the Incheon Games. Let’s get excited about the coming PBA season,” suhestiyon ni Gregorio.
Sa ngayon ay mainit pa rin ang mga Filipino basketball fans kay Gilas coach Chot Reyes, partikular sa desisyong ibangko si naturalized player Marcus Douthit sa krusyal na bakbakan sa pagitan ng Philippines at Korea at ang pagso-shoot ng Team Phl sa basket ng kalaban sa huling yugto ng Gilas-Kazakhstan game.
Marami ang nagpahayag ng kagustuhang makitang bumitaw si coach Chot sa kanyang posisyon.
Ano nga ba ang dapat na mangyari sa pagharap ng Team Phl sa taong 2015 kung saan magaganap ang Asian qualifying tournament para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro? Iisa o ang champion team lamang sa 2015 FIBA Asia Championship ang uusad sa Olympiada.
Marami raw opinyon ang lumabas ukol sa national team sa nakaraang PBA board meeting sa Seoul, Korea. Ngunit minabuti rin muna nina Comm. Chito at Chairman Pato na kolektahin muna ang mga isipan ng mga team owners.
Isang opisyal ang bumulong sa akin ng objective na pananaw na malamang na dalhin ng PBA sa SBP. Ito ay ang pagnombra ng national coach na makaka-inspire sa national players at coach na hindi magiging dahilan sa pagkakahati-hati ng bayang Pilipinas.
“Kung sa tingin ni MVP (Manny V. Pangilinan) tugma pa rin si coach Chot Reyes dito, eh di siya pa rin ang coach natin. Pero kung magiging dahilan siya ng divisiveness sa ating bayan, ano pa ang dahilan para manatili siya doon,” bulong ni PBA official.
* * *
Maayos kayang maisakatuparan ng PBA ang pagdadala ng PBA fans sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan para sa inaugural day ng PBA Season 40?
Nangako ang Kia Motors na sumagot ng 200 buses na hahakot ng 10,000 katao mula Manila pa-Bocaue at pabalik sa Manila.
Patuloy na inuupuan ng PBA, Philippine Arena management at NLEX sa pakikipagtulungan sa government offices ang tamang plano sa mga bagay na ito.
Maaari ng mabili ang mga tickets sa nasabing okasyon. Available ito sa Ticketnet outlets o maari rin bilhin on-line sa www.ticketnet.com.ph.
- Latest

















