Yaya Ruth (6)
Humagikgik lamang si Parker at tumakbo palabas ng silid bago pa siya mahuli ni Ruth. Inis na napailing ang dalaga. Tsismosong bata. Malamang ay nakikinig sa labas ng pinto.
Mas lalong naging maingat si Ruth. Kinahapunan, nagkunwari siyang nagliligpit ng mga nakakalat na laruan ni Parker habang pasimpleng sinisipat ang bawat sulok para sa mga nakatagong surveillance camera. Para makasigurado, sinubukan niyang makihalubilo sa ibang mga kasambahay at staff. Tinanong niya ang ilan sa mga ito tungkol sa camera. Para hindi mapaghinalaan, nagkunwari siya na concerned siya na walang camera na nagbabantay kay Parker samantalang napakalikot na bata nito. Pero wala siyang nakuhang kasagutan. Umiiwas ang mga ito ng tingin at halatang takot magsalita.
Doon napansin ni Ruth ang isang kakaibang bagay, halos lahat ng mga staff sa buong mansyon ay matatanda na, tila mga senior citizen, mapa-driver, labandera, hardinero. Maliban sa isa.
Sa kusina, nakilala niya si Lydia. Kaedad niya ito, matangkad, at may nakakabighaning mukha. Pero sa loob-loob ni Ruth ay mas sexy siya rito.
“Huwag ka nang maghanap ng CCTV, Ruth,” sabi ni Lydia habang naghihiwa ng sibusa, sabay sulyap sa pinto. “Wala talagang kamera sa buong mansyon. Kung salamin nga wala, camera pa kaya?”
Natigilan si Ruth. Lumingon siya sa paligid, sa pasilyo, sa sala, maging sa sarili niyang banyo kanina. Tama si Lydia. Wala siyang nakitang ni isang salamin mula nang dumating siya. Anong kaweirduhan ito?
Napansin ni Lydia na natulala si Ruth. Lumapit nang bahagya si Lydia at ngumisi.
“Pero may isang camera akong nakita nung isang umaga nang maghatid ako ng breakfast in bed kina Sir Rafael at Ma’am Clara. Ang nag-iisang camera sa buong bahay... nasa loob ng master’s bedroom nila.”
Nagningning ang mga mata ni Ruth. Dalawa lang ang ibig sabihin noon: naroon ang kaha de yero na puno ng pera at alahas…
o sadyang pilyo si Sir Rafael at mahilig itong mag-record nang maiinit na eksena sa kama.
Napangisi nang palihim si Ruth. Kung alinman sa dalawa, sisiguraduhin niyang siya ang bibida sa harap ng kamerang iyon. (Itutuloy)
- Latest

















