La Viuda (37)
Bahagyang napaatras ang mga kasambahay sa gilid ng hapag-kainan nang marahas na tumayo si Doña Presentacion mula sa kanyang silya. Yumanig ang kristal na baso sa mesa habang naniningkit ang kanyang mga mata kay Ernesto.
“Ano na namang kaguluhan ito, Ernesto? Patagal nang patagal ay lumalala na ang pagpapapansin mo!” malamig ngunit nanginginig sa galit na utos ng Donya. “Wala kang karapatang gumawa ng eksena sa harap ng hapag-kainan. Bumalik ka na sa Maynila ngayon din, at huwag ka nang magkakamaling bumalik pa rito hangga’t wala ka pang napapatunayan sa buhay!”
“Hindi ako aalis nang wala si Kristina!” mariing sagot ni Ernesto habang itinuturo ang dalagang nananatiling nakaupo. “Kailangan naming magpakasal sa lalong madaling panahon!”
“At bakit?!” bulyaw ng donya. “Anong kahangalan ito?”
Huminga nang malalim si Ernesto, pinalakas ang loob bago isiniwalat ang katotohanang nagpatahimik sa buong mansyon. “Dahil may nangyari na sa amin ni Kristina! May karapatan ako sa kanya, at hindi ko hahayaang mabulok siya rito!”
Tila huminto ang ikot ng mundo sa loob ng silid.
Dahan-dahang ibinaling ni Doña Presentacion ang kanyang leeg patungo kay Kristina. Nasa sa mga mata ng matanda ang pinaghalong gulat, pag-aalinlangan, at ang nakakakilabot na panginginig. Kitang-kita sa mata nito na gumuguho na ang mga masasama niyang plano.
“Kristina...” mahina ngunit matimtimang tanong ng Donya, habang sinusuri ang bawat galaw ng mukha ng dalaga. “Totoo ba ang sinasabi ng lalaking ito?”
Mabilis na umikot ang isip ni Kristina. Alam niyang ito na ang pagkakataon. Kapag inisip ng Donya na kay Ernesto ang batang posibleng nasa kanyang sinapupunan, mawawalan ng kabuluhan ang karumal-dumal na plano nina Mang Teban at ng donya na gamitin ang sanggol.
Ibinaba ni Kristina ang kanyang tingin, pinalabas ang gulat at hiya, bago dahan-dahang tumango sa harap ng Donya.
“Opo, Donya Presentacion...” mahinang bulong ni Kristina. “Totoo po ang sinabi ni Ernesto.” Sabi niya habang napalunok. “Ilang beses nang may nangyayari sa amin sa mausuleo tuwing gabi.”
Kahit si Ernesto ay bahagyang nagulat sa pahayag ng dalaga dahil alam naman nito na isang gabi lamang silang nagsiping. Bakas ang matinding pagkadismaya at matinding lamat sa mukha ng donya habang dahan-dahan itong napahawak sa gilid ng lamesa.
(Itutuloy)
- Latest





















