Ahas sa Garden (164)
“BRENDA! Brenda!” malakas ang sigaw ni Sir Nath habang nasa gate.
Narinig iyon ni Brenda. Kilala niya ang boses ni Nath. Nataranta siya. Hindi niya akalaing darating na si Nath.
May naisip siyang paraan.
Mabilis siyang nagbalik sa kanilang bedroom. Isinuot ang duguang damit na itatapon sana niya.
Nang maisuot ang damit, pinunit-punit pa niya iyon at ginulo ang kanyang buhok at nagmamadali siyang bumaba para salubungin si Nath.
Nang makita siya ni Nath, hindi ito makapaniwala.
Umiyak naman nang umiyak si Brenda.
“Pinagtangkaan akong gahasain ni Alexis. Nakadampot ako ng patalim at sinaksak siya!’’
Lumambot ang loob ni Nath sa sinabi ni Brenda.
“Kung hindi ko siya nasaksak baka nagahasa na niya ako. Napakawalanghiya niya. Isa siyang ahas. Pagkatapos mong pakainin sa palad ay nanuklaw pa.’’
“Nasaan siya?’’
“Nasa basement. Baka patay na yun, Babe. Huwag mo akong pababayaang makulong.”
“Hindi! Hindi ka makukulong, Babe.”
“Salamat Babe. Ipinagtanggol ko lamang ang sarili.’’
“Halika tingnan natin ang bangkay ng ahas na si Alexis.”
(Itutuloy)
- Latest