'Insecurities at hiya': Vice Ganda ipinasilip tunay na estado ng buhok sa publiko
MANILA, Philippines — Maliban sa pagpapatawa, kilala ang komedyante't television host na si Vice Ganda para sa kanyang makukulay na peluka, bagay na kanyang binabago-bago tuwing nagpe-perform o nagpapakita sa "It's Showtime."
Gayunpaman, Miyerkules nang ibukas niya sa kanyang vlog ang tungkol sa pagnipis ng sariling buhok, bagay na ng nagdudulot daw sa kanya ng labis na pagkabalisa at hiya.
"Pag bakla ka, gusto mo maganda hair mo. Nu'ng nararamdaman kong ang taas na ng hairline ko, nagbigay siya sa 'kin ng anxiety. Nalulungkot ako. Kinapitan ako ng hiya," pagbabahagi ng aktor.
“Nahihiya akong makita ng tao na mataas na hairline ko...Tinatago ko talaga siya for a time. Tapos ayokong pinag-uusapan 'yung buhok ko. Sobra akong na-insecure. Tapos bumaba 'yung self-confidence ko."
Paniwala niya, may kinalaman ang stress sa kinasapitan ng kanyang pinakamamahal na crowing glory.
Gayunpaman, natutunan na raw niya itong tanggapin at 'wag indain ang sasabihin ng iba. Sa ngayon, ang mahalaga na lang na opinyon sa kanya ay ang sasabihin ng minamahal na si Ion Perez, na siyang kasama rin niya sa trabaho sa Kapamilya Network.
"Kung love naman ako ng taong love ko, ano pang pake ko sa sasabihin ng ibang tao? Kung 'di ako tanggap ng ibang tao, wala na 'kong pake. Ang mahalaga, tanggap at mahal ako ng taong mahal ko," dagdag pa ng "unkabogable" superstar.
Sasailalim sa hair treatment ang aktor sa isang salon sa Lungsod ng Quezon upang maibalik ang kapal ng buhok, lalo na't lumalabas na nakasara ang pores ng kanyang anit.
Biro tuloy ni Ryan Bang, na siya rin niyang co-host sa "It's Showtime," oras na upang itapon ang kanyang mga peluka lalo na't kaya naman daw paluguin ang buhok upang maiwasan ang tuluyang pagkapanot.
Paliwanag naman ng vlog, binuksan lang para sa personal na gamit (na may limitadong capacity) ang venue ng vlog na MoriduArt. Sumailalim naman daw ang lahat sa COVID-19 protocols kung saan lahat ay nagnegatibo sa swab test.
Matatandaang ipinagbabawal ang operasyon ng mga personal care services gaya ng beauty salons, beauty parlors, barbershops at nail spas noong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), bagay na epektibo pa sa QC noong in-upload ang video.
- Latest