Liza Soberano binanatan 'kawalang suporta' sa mga dukha ngayong lockdown

Litrato ng aktres na si Liza Soberano
Mula sa Instagram account ni Liza Soberano

MANILA, Philippines — Dismayado ang aktres na si Liza Soberano sa aniya'y kakulangan ng tulong sa mga mahihirap ngayong niraragasa ng COVID-19 ang Piliinas — lalo na ngayong nagpapatupad ng mas mahigpit na restrictions ang pamahalaan sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na probinsya.

Kaliwa't kanan ang lockdown at curfew ngayon sa Metro Manila, kasabay na rin ng pinahigpit na "NCR Plus bubble" ng gobyerno, dahilan para mahirapan o hindi makapagtrabaho ang marami.

Basahin: Palace: Non-essential travel suspended in and out of Metro Manila, nearby provinces

Kaugnay na balita: 29 Manila barangays under lockdown

"My heart bleeds for all the people who cannot afford not to go out and work. They literally have to choose between dying of starvation or dying of covid. Is our country really this poor to no be able to provide stimulus?? Genuine question lang po," sabi ni Liza Soberano, Lunes ng gabi.

 

 

Ipinatutupad ang mga bagong paghihigpit ngayong ilang araw nang sunud-sunod ang all-time high COVID-19 infections sa iisang araw lamang. Maliban sa bawal lumabas ng bahay kung may localized lockdown, bawal din maglabas-masok sa Metro Manila at apat na kalapit na probinsya kung hindi naman ito "essential travel."

'Nakailang ayuda sa ibang bansa, dito nasaan?'

Tanong tuloy ni Liza: Nasaan ang ayuda ngayon kung kaya itong ibigay ng mga ibang bansa?

"America has received [3] rounds of stimulis already... COVID testing [there is free], vaccination is free," wika pa ng tanyag na aktres sa hiwalay na tweet kagabi.

"Where is the support for the poor in our country?"

Ipinagtanggol naman ng ilang netizens si Liza mula sa pamba-bash ng ilan, bagay na tinatawag na "trolls" ng ilan.

 

 

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na wala pang pinag-uusapan sa ngayon kung ibabalik ang mga dating ayuda gaya ng social amelioration program (SAP) noong 2021. Gayunpaman, idinidiin ni Roque na hindi gaya ng lockdowns noon, pinapayagan namang magtrabaho ang mga tao ngayon.

Magbubukid umaaray sa kawalang ayuda

Kaugnay ng panawagan ni Liza na ayuda at pagpapabilis ng bakuna, ganyan din ang ang hiling ng ilang magsasaka na tinatamaan na ng krisis: lalo na sa Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan na kasama sa NCR Plus bubble.

"Maraming mga magsasaka dito sa San Jose Del Monte Bulacan na nagbabagsak ng paninda sa mga palengke sa Commonwealth at Litex sa Quezon City, sa Pangarap Village at Malaria sa Caloocan City. Hindi na naman sila makakatawid sa border. Kung hindi sila makapagtinda, wala ring kakainin ang pamilya nila. Gutom ang epekto nitong lockdown," ani Cecil Rapiz,  Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB-KMP), Martes.

Hiling tuloy ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tuluyan nang ipatupad ang matagal na nilang hiling na P10,000 cash aid para sa mga magsasaka, maliban sa P15,000 production subsidy para sa pagtatanim at pangingisda. — James Relativo

Show comments