^

PSN Showbiz

P.A. ni Alden, 2 beses nag-positive sa COVID-19

SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula - Pilipino Star Ngayon

Lalo kaming nainlab kay Alden Richards dahil nakita namin kung gaano siya kabait sa mga taong matagal nang nagsisilbi at talagang nag-alaga sa kanya.

Naging emotional din siya nang napag-usapan ang pagkakasakit ng matagal na niyang personal assistant na si Mama Tenten Mendoza.

Nakilala si Mama Ten sa Eat Bulaga bilang si Kendal sa isang segment nila noon kasama si Ryzza Mae Dizon. Sa Bawal Judgmental ng EB noong nakaraang Sabado, si Ali Sotto ang naglaro at ang choices ay ang mga EB Dabarkads at staff na nagka-COVID-19.

Kabilang doon sina Allan K, Wally Bayola at si Mama Ten. Hindi napigilan ni Mama Ten na maluha dahil ang inaalala raw niya noon ay ang naantalang taping nina Alden na I Can See You dahil nagpositibo siya sa COVID-19.

Dalawang beses daw siyang nagpositibo at in-isolate muna siya sa tinutuluyan niyang apartment. Ang sama raw ng loob niya dahil sa abalang nangyari at ambassador pa naman si Alden ng Department of Health para sa Bida Ang May Disiplina na campaign laban sa COVID-19.

Awa ng Diyos, hindi naman nahawa si Alden kahit palagi niyang kasama si Mama Ten at nawala raw ang sakit na naramdaman niya nang tinawagan na siya ni Alden. “Nu’ng tumawag po siya sa akin para kumustahin ako, parang nawala po ‘yung pakiramdam ko na parang kasalanan ko kung bakit na-pack up yung taping namin,” maluha-luhang pahayag ni Mama Ten.

Hindi na raw iniisip ni Alden nu’ng panahong iyon ang naantalang trabaho. Ang concern lang daw niya ay ang kalagayan ng matagal nang PA. “Ilang  years ko nang kasama ‘yan. Twelve years kaming magkasama. So, parang hindi ko na iniisip kung ano ‘yung mawawala na trabaho. Ang main priority ko that time is maging okay siya,” pahayag ni Alden na pinigilan nang maiyak.

Allan K at Wally, ikinuwento ang pinagdaanan nang ma-COVID-19

Ramdam naman namin ang bigat na dinadala ni Allan K nang inilahad niya ang pagkakasakit niya at na-hospitalize pa ito nang magpositibo siya sa COVID-19.

Ang masakit para kay Allan K, nang magsimula ang pandemya, magkasunod na pumanaw ang dalawa niyang kapatid. Umiiyak na siyang sinasabing na-cremate raw ang dalawa niyang kapatid na hindi man lang daw niya nakita. Hindi naman siya makapunta noon sa Bacolod dahil nasa quarantine tayo.

Ang sumunod na dagok sa kanyang buhay ang pagsasara ng dalawa niyang comedy bars. Pero mas matindi ay nang  magpositibo na siya sa COVID-19. Hindi na raw niya alam bakit sunud-sunod itong dumarating sa kanya.

“Parang binagsakan ako ng mundo. Parang ano ba? Hindi pa tapos ‘yung taon. Sabi ko sige, magpaospital na tayo. Isinakay na nila ako sa kot­se, inihatid ako sa ospital. Parang wala na akong maalala, stretcher na agad, diretso sa emergency room,” pahayag ni Allan na sa isang hospital sa Pasig pala siya na-confine.

Severe ang COVID case ni Allan at doon nga sa Eat Bulaga ay sinabi na ni Vic Sotto na hindi raw okay si Allan nu’ng tinanong niya ito sa doktor.

Kaya abut-abot daw ang pagdarasal nila ng asawa niyang si Pauleen Luna na sana malagpasan ito ng kapwa Dabarkads.

Wala na raw ibang ginawa si Allan noong panahong iyon kundi kumapit sa Diyos. “Kumapit ako sa favorite ko na verse sa Bible, Exodus 50 verse 26.

“Ang sabi doon, ‘I am the God that healeth thee. Alam Niya, maya’t-maya ko iyon sinasabi. Lord, You are God that heals me. You just have to say the word and You healeth my disease,” patuloy ni Allan na umiiyak na.

Tuluy-tuloy din ang pagluha ni Ali Sotto pati ang ilang dabarkads. Kaya kahit maselan na ang kala­gayan niya, nalagpasan niya ito, Nadala raw siya sa ICU, pero hindi niya naranasan na ma-intubate.

Paulit-ulit na nagpapasalamat si AK kay Bossing Vic, lalo na kay Pauleen na nag-asikaso sa lahat pati sa mga kasama niya sa bahay.

Nagpasalamat din siya kay Mayor Vico Sotto, at sa lahat na mga nagdasal, at nagpahatid ng pagmamahal sa kanya. Ito na nga raw talaga ang masasabi niyang pangalawang buhay.

Samantala, naiiyak na rin si Wally nang ikinuwento naman niya ang pagkakasakit niya at na-hospitalize pa siya nang magpositibo siya sa COVID-19.

In a way naging pabaya rin daw kasi Wally na ang buong akala niya ay kaya niya at hindi siya dadapuan nitong nakamamatay na virus.

Hindi raw siya nagma-mask minsan at kapag may nagpapa-picture sa kanya ay nagtatanggal pa raw siya ng mask at nakadikit talaga sa tao.

Pero nu’ng nagpa-swab test na siya at lumabas nga ay positive, hindi na raw niya maalala ang mga sumunod na nangyari dahil sa hinimatay na siya.

Nasa hospital na siya at doon ay nagka-an­xiety attack na siya. Ang inaalala raw niya noon ay ang kanyang ina kung sakaling may mangyari sa kanya.

PPP awards night nairaos online

“Sabi ko nga kung talagang hanggang dito na lang ako, okay lang. Pero iniisip ko ‘yung nanay ko. Yung nanay ko after a month, nawala yung stepfather ko. Sabi ko pa, ‘Ma, ako ang mag-aalaga sa ‘yo. Huwag kang malungkot. Huwag kang iiyak. Tapos bigla akong mawawala?” pakli niya.

Kaya pagkatapos daw niyang magkasakit, saka niya nasabi sa nanay niya at sinasabi raw ng nanay niyang malalagpasan niya ito at hindi pa ito mamamatay. “Parang sinasabi ng nanay ko, masamang damo ako,” pabiro pang pahayag ni Wally.

Nairaos ng Film Development Council of the Philippines ang kanilang Pista ng Pelikulang Pilipino na sa online lang napapanood.

Nagkaroon sila ng awards night noong nakaraang Sabado na sa online rin pero kahit paano ay nagawa pa nilang imbitahan sina Regine Velasquez, Joey Ayala at Bayang Barrios with Naliyagan, si Acel, Raf Bernardino at siyempre si Ice Seguerra na nagbigay ng musical number.

Si Gold Azeron ng pelikulang Metamorphosis nagwaging Best Actor at natalo nito si Elijah Canlas na binigyan naman ng Special Jury award.

Si direk Jason Paul Laxamana, ang direktor ng pelikula ni Elijah na He Who is Without Sin.

Kasama nila rito si Enzo Pineda na mas pinag-usapan ang pagpapakita niya ng pubic hair sa pelikulang iyon.

Ang nagwaging Best Actress ay si Hana Kino ng pelikulang Come On, Irene.

Nagwaging Best Picture ang The Cleaners na namayagpag din sa ibang award-giving bodies. Ang direktor nitong si Glenn Bayrit ang tinanghal na Best Director.

Congratulations sa lahat na nagwagi, at sana sa mga sinehan na ang susunod na Pista ng Pelikulang Pilipino.

vuukle comment

ALDEN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with