^

PSN Showbiz

Bokalistang tOpakin ‘di makalimutan ang ugali ng mga dating kabanda!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Makasarili. Maramot. Walang pakialam sa kanyang kapwa. Sa ganu’n inilalarawan ng kanyang mga kapwa musikero ang isang bokalista. ‘Yun ang dahilan kung bakit nagkawatak-watak na ang mga miyem­bro ng banda.

Sikat lang ang kanilang grupo, sikat na sikat ang kanilang bokalista, pero hindi naman sila puwedeng mabuhay sa puro tili at palakpak lang ng mga tagasuporta nila. Kailangan nilang magtrabaho at kumita para sa kani-kanilang pamilya.

Kuwento ng aming source, “Mahirap kasing ispilengin ang ugali ng kabanda nila. Masyadong sumpungin! Depende sa mood niya kung tatanggapin niya ang offer o hindi. Ang dami-dami niyang pinalalampas na trabaho.

“May time na sunud-sunod ang mga concerts nila, panalung-panalo ang kanilang grupo, dahil hindi naman mura ang kanilang talent fee! Pero may time naman na walang-wala ang tropa, puwede namang magkapera sila, pero paano kung ayaw namang mag-show ng vocalist nila?

“May mga ganu’ng down side ang grupo. ‘Yun lang ang alam nilang trabaho, ang tumugtog nang tumugtog, pero inaabutan sila ng taghirap dahil ayaw magtrabaho ng bokalista nila!

“Nu’ng minsan ngang kausapin siya ng tropa para sabihan na walang-wala na sila kaya tanggapin na sana niya ang mga offers na shows sa malalayong lugar, e, isa lang ang sinabi niya, ‘Bakit hindi n’yo tanggapin? Mag-show kayo nang wala ako!’

“Natural, paano naman magiging successful ang show, e, ang bokalista nila ang sikat, ang pinagkakaguluhan, ang hinahanap ng mga kababayan natin?” simulang kuwento ng aming impormante.

Umaasa lang ang grupo sa kung ano ang mood ng kanilang kabanda, kapag masaya siya ay tinatanggap niya ang offer, pero kapag mainit ang kanyang ulo ay wala siyang tinatanguang promoter.

“Natural, may mga needs ang mga kabanda niya, kailangan nilang mabuhay, kaya isang araw ay kumalas na sila sa grupo. Meron na silang bagong grupo ngayon, maayos ang takbo ng buhay at career nila, dahil hindi na makasarili at maramot ang vocalist nila.

“Ang sarap nga namang paluin ng kinayas na kawayan ang bokalistang ‘yun, sa totoo lang!” pagtatapos ng aming source habang napapailing.

Ubos!

Baron diretso na sa gamutan!

Tulad ng nangyari kay JM de Guzman ay maraming umaasa na sana’y pagtrabahuhan ng isandaang porsiyento ni Baron Geisler ang kanyang sitwasyon. Kailangang isapuso niya ang pagpapa-rehab nang isandaang porsiyento.

Huwag siyang tatakas sa rehab na tulad nu’ng una niyang ginawa, kailangang magaling na magaling na siya sa pagsunod sa proseso ng gamutan, kailangang tularan niya si JM de Guzman na nagsakripisyo para makabalik uli sa pag-arte.

Hindi niya dapat tularan si Jiro Manio na bigla na lang umaalis sa rehab, babalik na naman kapag nasumpungan ng aktor, walang pinakamagaling na rehabilitation center na makatutulong sa mga kliyenteng ganu’n ang ugali.

Pumayag na ang pamilya ni Baron na maglagak ng kanyang piyansa, iuurong na rin ng kanyang bayaw ang mga akusasyong isinampa laban sa kanya, pero kailangang makipagkita sa gitna si Baron.

Hindi na siya pupunta pa sa kahit saan, kailangan na siyang idiretso sa rehab, para masimulan na agad ang kanyang gamutan. Mahirap na nga naman, baka masangkot uli si Baron sa gulo, panibagong problema na naman ‘yun para sa kanyang pamilya.

Kahit pa nakakaumay na ang mga pinaggagagawang gulo at kahihiyan ni Baron ay nandu’n pa rin ang matinding panghihinayang sa kanya ng ating mga kababayan. Sayang na sayang kasi ang tulad niyang hindi lang mukha ang puhunan sa pag-aartista dahil kahanga-hanga ang kanyang talento sa pag-arte.

Nakaka-miss ang Baron Geisler na nakikita naming naghihintay ng bus pauwi sa Pampanga. Nakasumbrero siya, may backpack, makisig na makisig at malinis ang katawan.

Napakalayo sa pinakahuling pagkakita namin sa kanya na parang hindi na naliligo, walwal na lang nang walwal, may mga pilat sa mukha dahil sa mga pinapasok niyang gulo kapag lasing na lasing na siya.

Bumalik na sana sa dating gawi si Baron Geisler na parang maamong tupa kapag hindi nakakainom, isakripisyo na niya ang bisyong nagtulak sa kanya sa kangkungan ng kawalan, sa totoo lang.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with