Pumatay ng 22-anyos coed, timbog
COTABATO CITY, Philippines — Sa tulong ng mga saksi at local officials, mabilis na naaresto ng pulisya ang suspect sa pagpatay gamit ang itak sa isang 22-anyos na college education student sa Sibagat, Agusan del Sur nitong Sabado.
Pinasok ng suspect na si Ricky Ampait Abarquez, 34-anyos, ang biktimang si Rezalyn Coria Salahat sa tahanan nito sa Barangay Kolambugan, Sibagat at agad na pinagtataga gamit ang matalas at mahabang itak.
Si Salahat ay 4th Year student sa Caraga State University sa Ampayon, Butuan City.
Wala pang linaw sa mga imbestigador ng Sibagat Municipal Police Station kung ano ang nag-udyok kay Abarquez na patayin si Salahat.
Pinaniniwalaang posibleng “high” sa tama ng shabu si Abarquez nang kanyang pasukin ang biktima sa kanilang tahanan at agad na pinagtataga hanggang sa mapatay.
Nasukol si Abarquez na nagtangkang tumakas ng mga kasapi ng Sibagat Police at mga barangay at municipal officials na magkatuwang na tumugis sa kanya.
- Latest