P.6 milyong marijuana winasak sa Bataan
MARIVELES, Bataan, Philippines — Upang maiwasan na ma-recycle o magamit ang 5.3 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nakumpiska sa dalawang lalaki na pawang mga taga-Baguio City, iniutos ng korte na sirain na ito sa bayang ito kamakalawa.
Alinsunod sa direktiba ng Korte Suprema, ipinag-utos ni Mariveles Bataan RTC Judge Emmanuel Silva ang proper disposal at pagsira sa nasabing droga na selyado at nakabalot sa plastic matapos masamsam ito mula sa mga suspek na sina Challikis Kotaken, 23-anyos, binata at Kari Del Muno Gile, 23, binata; kapwa taga-Quezon Hills, Baguio City.
Pinangunahan ng mga taga-Korte at Bataan Crime Laboratory chief Lt. Col. Vernon Santiago ang pagwasak sa naturang droga.
Batay sa ulat ni Mariveles Police chief Lt. Col. Gerald Gamboa kay Bataan Police Director Col. Joel Tampis, madaling araw noong Nobyembre 11, 2021 nang masakote ang mga suspek sa isang buy-bust operation at masabat ang mahigit sa 5.3 kilong marijuana bricks na nasa P600,000 ang halaga.
- Latest