Supervisor bulagta sa road rage
CAVITE, Philippines — Isang supervisor ang nasawi habang nakaligtas ang kanyang nakababatang kapatid matapos silang pagbabarilin ng apat na nakasagutang suspek dahil sa umano’y nakabara sa daan habang nagkukumpuni ng kanilang motorsiklo sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Lordjim Ang, 33-anyos habang masuwerteng nakaligtas ang utol nito na si Loyd Jay, 30-anyos, isang collector, at kapwa residente ng Zurich St., Phase 2, San Marino City, Brgy. Salawag, Dasmariñas City.
Tinutugis na ng pulisya ang mga tumakas na suspek sakay ng isang kulay gray na kotse na hindi nakuha ang plaka.
Sa ulat ni P/Master Sgt. Elmo Cabo-boy, ala-1:25 ng madaling araw habang magkatulong na gumagawa ng kanilang motorsiklo ang magkapatid sa nasabing kalye nang dumating ang isang kotse sakay ang apat na suspek. Huminto ang kotse at bumaba ang mga suspek saka sinita ang magkapatid dahil nakaharang umano sa daan. Nangatuwiran ang magkapatid na hindi nila maialis ang motorsiklo dahil ayaw umandar at may sira habang malaki naman anila ang espasyo at kasya pang dumaan ang sasakyan ng mga suspek. Gayunman, napikon ang mga suspek hanggang sa isa sa kanila ang kumuha ng baril sa kotse at dito na pinagbabaril ang magkapatid.
Minalas na napuruhan ang nakatatandang biktima at mabilis na tumakas ang mga salarin.
- Latest