P100-M ari-arian nilamon ng apoy
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P100 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa dalawang araw na sunog sa Metro Gaisano store sa Ayala Center, Cebu.
Sinabi ni Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Director Senior Supt. Samuel Tadeo, bagama’t wala pa silang inisyal na imbestigasyon kung ano ang sanhi ng sunog sa mall ay tinatayang malaki ang naging pinsala nito.
Iginiit naman ni Tadeo na sa ngayon ay external firefighting ang kanilang ginagawa dahil na rin sa hindi makapasok ang mga bumbero.
Kamakalawa ng gabi ay lumakas pa ang apoy sa fabric section ng mall kaya lumiliyab pa ito at lumakas lang ito nang dahil na rin sa malakas na hangin.
Sa ngayon hindi pa masabi ng opisyal kung kailan nila madedeklarang fire-out ang nasabing sunog.
Matatandaan na noong Biyernes ng gabi nang sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng store kung saan nagmula ang apoy sa air conditioning duct.
Ayon sa store supervisor na si Rodolfo Sarza, tinangka niyang apulahin ang apoy gamit ang fire extinguishers subalit mabilis na kumalat kaya minabuti ng security manager na iulat ang fire alarm.
Umabot na ang apoy sa ikalima at ikaanim na palapag ng Metro Gaisano store at wala namang iniulat na namatay o nasaktan dahil nagkataon na sarado na ang mall nang sumiklab ang sunog.
Ayon pa sa ulat, aabot sa 8,000 litro ng crude oil ang nasa generator set na nasa ikaanim na palapag ng nasabing store.
Sa ulat ni F/Supt. Ronbaldo Orbita, ground commander ng Bureau of Fire Protection-7, nahihirapan silang pasukin ang department store dahil zero visibility na ito sa kapal ng usok kaya binutasan na lamang ang konkretong dingding ng ikatlong palapag para madaanan ng kanilang fire hose. (Freeman)
- Latest