Resort hotel na binisita ng Miss U, ni-raid ng NPA
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang beach resort hotel sa bayan ng Nasugbu, Batangas na kabilang sa mga binisita ng mga kandidata ng Miss Universe 2016 kung saan tinangay ang iba’t ibang uri ng baril kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, nasa 25 rebeldeng naka-camouflage uniform na nagpanggap na mga sundalo na lulan ng van ang sumalakay sa Hamilo Coast-Pico de Loro sa Barangay Papaya bandang alas-6:15 ng gabi.
Agad namang tinungo ng mga rebelde ang detachment ng Selective Security Agency na nangangalaga sa seguridad ng nasabing resort kung saan dinisarmahan ang mga security guard.
Wala namang nagawa ang mga sekyu na natangay ang 26 shotguns, pitong M16 Armalite rifles, cal.9mm pistol at cal. 38 revolver.
Hindi pa nakuntento ay ni-raid din ng mga rebelde ang kanugnog na Hamili Coast Main Security Office matapos namang magpanggap na inspectors ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nalimas din ng iba pang rebelde na sakay naman ng tatlong van ang dalawang M16 Armalite rifles, tatlong 12 gauge shotguns, tatlong cal. 9mm pistols, dalawang handheld radios, 10 cellular phone at isang Lenovo laptop.
Kasunod nito, narekober naman sa follow-up operations ng mga awtoridad ang tatlo pang sasakyan na ginamit ng mga rebelde sa kahabaan ng Sitio Damulag, Brgy. Latag sa Nasugbu.
- Latest