Suarez olats kay Navarrete

MANILA, Philippines — Bigo si Pinoy challenger Charly Suarez na maagaw ang WBO junior lightweight crown ni Mexican champion Emanuel “Vaquero” Navarrete matapos ang isang kontrobersyal na technical decision loss kahapon sa Pechanga Arena sa San Diego, California.
Inihinto ni referee Edward Collantes ang nasabing 12-round world title fight sa Round 8 nang ideklara ng ring doctors na hindi na makakalaban si Navarrete dahil sa putok sa kaliwang kilay nito na nangyari sa Round 6.
Ngunit hindi malaman kung ang nasabing sugat ng Mexican title-holder ay galing sa suntok ni Suarez o mula sa isang headbutt.
“Clear punch. Maliwanag pa sa sikat ng araw dito sa Pilipinas. Charly was robbed of a victory and boxing fans, even non-Filipinos, know that. We will file an appeal,” ani Chavit Singson, ang manager ni Suarez. “Charly deserves the win and the world title.”
Sa scorecards ng tatlong judges ay angat ang 30-anyos na si Navarrete kontra sa 36-anyos na si Suarez, 78-75, 77-76, 77-76.
Sa slow-mo replay ay nakitang nakakonekta ng isang left straight si Suarez (18-1-0, 10 KOs) sa kaliwang kilay ni Navarrete (40-2-1, 32 KOs) bago ang banggaan nila ng ulo.
Pinandigan ng California State Athletic Commission ang desisyon ni Collantes na sanhi ng headbutt ang putok sa kilay ni Navarrete.
- Latest