NBA Cup pag-aagawan ng Lakers at Pacers
LAS VEGAS — Kumamada si LeBron James ng 30 points para banderahan ang Los Angeles Lakers sa 133-89 pagdispatsa sa New Orleans Pelicans para umabante sa championship game ng NBA In-Season Tournament.
Haharapin ng Lakers para sa NBA Cup ang Indiana Pacers na kinuha ang 128-119 panalo sa Milwaukee Bucks sa isa pang semifinals game.
Kumpara sa mga tournament games, ang championship game ng Los Angeles at Indiana ay hindi ibibilang sa regular-season standings.
“I think we are starting to get a feel for what we need to become a team for us to win basketball games, to be consistent,” sabi ni James.
Nag-ambag si Austin Reaves ng 17 points para sa Lakers, habang humakot si Anthony Davis ng 16 points at 15 rebounds at may 15 markers si Taurean Prince.
Pinamunuan ni Trey Murphy III ang Pelicans sa kanyang 14 points at may 13 at 10 markers sina Zion Williamson at Herbert Jones, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng New Orleans ang 30-29 bentahe sa first quarter, ngunit umiskor si James ng 11 points sa second period para ibigay sa Los Angeles ang 40-33 kalamangan.
At mula rito ay hindi na bumitaw ang Lakers.
Samantala, nagtala si Tyrese Haliburton ng 27 points at 15 assists para sa pagsibak ng Pacers sa Bucks.
Nag-ambag si Myles Turner ng 26 points.
- Latest