NBA G League stint malaking tulong kay Sotto — Reyes
MANILA, Philippines — Magandang pagkakataon para kay Kai Sotto na mahasa ng husto ang kanyang talento sa pagsalang nito sa NBA G League.
Para kay dating Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes, walang duda na malalim ang kakayahan ng 7-foot-2 cager.
At naniniwala ito na mas tataas ang kalidad ng laro ni Sotto sa pagharap nito sa mas beteranong players sa G League.
Pangunahing kailangang mahasa kay Sotto ang lakas nito.
“I have no worries about Kai’s skills because he has all the skills for a basketball player. He’s a great ball-handler, a great shooter, great passer ’cause he sees the game very well. For me it’s really his strength,” ani Reyes sa Coaches Unfiltered online program na iprinisinta ng Smart.
May mga bagay pang kailangang plantsahin si Sotto para mas lalong maging halimaw ang kanyang laro.
Bata pa naman ang 18-anyos na si Sotto.
Maganda rin ang training character nito na uhaw na uhaw matuto ng mga bagong istilo.
Kaya naman walang duda na magiging malakas na puwersa ito sa mga susunod pang taon.
Hahawakan si Sotto ng isang veteran coach sa ngalan ni dating NBA player Brian Shaw na inaasahang magbibigay ng dagdag kaalaman para sa Pinoy player.
- Latest