Beermen itatayo ang2-0 lead laban sa Kings
Laro Ngayon(Smart Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel vs Ginebra (Game 2, Semis)
MANILA, Philippines — Inaasahan ni coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel na babangon ang Barangay Ginebra mula sa kabiguan noong Biyernes.
“We know Ginebra was playing well before this game. Baka napagod lang since this is their fourth game in eight days,” sabi ni Austria matapos ang 102-90 panalo ng Beermen laban sa Gin Kings sa Game One ng kanilang best-of-seven semifinals series para sa 2018 PBA Philippine Cup.
Target maitayo ang 2-0 bentahe sa serye, lalabanan ng San Miguel ang Ginebra sa Game Two ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa naturang panalo ng Beermen sa series opener ay umiskor si one-time PBA MVP Arwind Santos ng 23 points, habang nagdagdag sina Von Pessumal, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot ng 18, 17 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naman naglaro para sa Gin Kings si seven-foot star center Greg Slaughter bunga ng injury.
“We can play better than we played in Game One, that’s for sure, with or without Greg,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion mentor na si Tim Cone.
Kahit wala si Slaughter sa loob ng court ay nalimitahan pa rin ng Ginebra si four-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel sa 9 points at 7 rebounds sa loob ng 30 minutong paglalaro.
Ngunit wala pang katiyakan kung kailan makikita sa aksyon si Slaughter.
“We don’t know yet. I hope he will get back at some point. I can’t tell you whether he’s gonna be ready for next game or not,” ani Cone.
- Latest