Baguio nahugot ng NLEX sa trade; Belga pinagmulta at sinuspinde
MANILA, Philippines - Lalo pang pinalakas ni head coach Yeng Guiao ang backcourt ng NLEX matapos kunin si veteran guard Cyrus Baguio.
Pumasok ang NLEX sa isang three-team trade sangkot ang Globalport at Phoenix para mahugot si Baguio, naging player ni Guiao sa Red Bull Barako.
Nahugot ng Road Warriors si Baguio, habang nakuha ng Batang Pier si Mac Baracael at napasakamay ng Fuel Masters si Dylan Ababou kasama ang isang future draft rights ng Road Warriors.
Inaasahang aaprubahan ni PBA Commissioner Chito Narvasa ang naturang trade.
Matapos sa Red Bull ni Guiao ay naglaro si Baguio para sa Burger King, Barangay Ginebra, Alaska at Phoenix.
Samantala, pinatawan ng PBA Commissioner's Office si Rain or Shine center Beau Belga ng multa at one-game suspension sa kanilang panalo laban sa Kia noong nakaraang Linggo.
Dahil sa kanyang flagrant foul 1 at technical foul laban kay Picanto slotman Jason Ballesteros sa gitna ng third period ay pinatawan si Belga ng liga ng multang P17,500 at one-game suspension.
Magbabalik ang mga aksyon sa torneo sa Biyernes sa pagharap ng NLEX sa Blackwater sa alas-7 ng gabi at pagsagupa ng Meralco sa Phoenix sa alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakapasa naman sa height requirement na 6'5 si import Glen Rice, Jr. para palitan si Michael Craig sa TNT Katropa.
- Latest