Ateneo booters biyaheng Finals
MANILA, Philippines - Dinagit ng Ateneo ang 2-1 panalo laban sa University of Santo Tomas upang hablutin ang unang silya sa finals ng UAAP Season 79 men’s football kahapon sa Rizal Memorial Stadium.
Sumandal ang Blue Eagles kina sophomore striker Jarvey Gayoso at rookie goalkeeper AJ Arcilla para kunin ang panalo na nagdala sa Katipunan-based squad sa ikalawang sunod na finals appearance.
Mula sa matikas na pasa ni Enzo Ceniza, nagawang makalusot ni Gayoso kay Jopridale Molino para maisalpak ang unang goal ng Ateneo sa ika-22 minuto.
Muling sumipa si Gayoso ng ikalawang goal sa ika-44 minuto para sa kampanteng 2-0 lead sa halftime.
Nagawang makapuntos ng Growling Tigers mula kay Marvin Bricenio sa ika-54 minuto subalit iyon na lamang ang nakayanan ng kanyang tropa matapos maisalba ni Arcilla ang ilang pagtatangka ng UST.
Makakalaban ng Ateneo ang magwawagi sa pagitan ng University of the Philippines at FEU sa finals.
Sa women’s division, umusad sa finals ang UST nang itala nito ang 5-4 panalo laban sa Ateneo.
Titipanin ng UST sa finals ang De La Salle University sa Linggo. - CCo
- Latest