Mallari ibinigay ng Star sa Mahindra
MANILA, Philippines - Isang araw matapos ang 2016 Rookie Draft ay nagsimula nang kumilos ang mga PBA teams bilang paghahanda sa darating na 42nd season sa Nobyembre 20.
Dahil napuno ng guards ang kanilang backcourt sa pagdating nina combo guard Paul Lee at Gilas Pilipinas member Jio Jalalon ay nagdesisyon ang Star na ibigay si Alex Mallari sa Mahindra bilang kapalit ni 6-foot-6 shooter Aldrech Ramos.
Bukod kina Lee, nakapalitan si two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa Rain or Shine, at Jalalon, ang iba pang guards ng Hotshots ay sina Mark Barroca, PJ Simon, RR Garcia at Justin Melton.
Sa kanyang pagdating sa Hotshots ay inaasahang makakasama si Ramos sa frontcourt nina veterans Marc Pingris at Rafi Reavis at Ian Sanggalang.
Nauna nang pinili ng Floodbusters, dating Enforcers, sa Gilas Pilipinas pool si Russel Escoto at sina Joseph Eriobu, Cedrick Ablaza, Jan Jamon at Paolo Pontejos mula sa regular draft.
Dinala rin ng Mahindra sa ibang koponan sina Niño ‘KG’ Canaleta, Bradwyn Guinto at Paolo Taha.
Ang wingman na si Canaleta ay ibinigay sa Globalport, habang maglalaro naman si Taha sa Barangay Ginebra at dadagdagan ni Guinto ang frontcourt ng TNT KaTropa.
Para makuha si Taha, dating kamador ng St. Benilde Blazers sa NCAA, ay ibinigay ng Gin Kings si reserve forward Nico Salva sa Meralco Bolts na kanilang tinalo sa nakaraang 2016 PBA Governor’s Cup Finals.
Bukod kay Canaleta, nasa tropa na rin ng Batang Pier sina Rey Guevarra, Mike Cortez at JR Quiñahan.
Ang lahat ng trade deals ay nakatakda pang aprubahan ni PBA Commissioner Chito Narvasa.
Samantala, pumirma na sina Gilas Pilipinas members Mac Belo, Kevin Ferrer at Roger Pogoy ng three-year maximum contract para sa Blackwater, Ginebra at TNT Katropa, ayon sa pagkakasunod.
- Latest