Aalma na?
Nagpahayag si President Bongbong Marcos Jr. na makikipagtulungan sa China kapag pareho ang interes ng dalawang bansa pero aalma ito kapag ang soberanya, karapatan sa soberanya, at hurisdiksyon ng Pilipinas sa South China Sea ay hindi iginalang. Dagdag pa niya, lumalabas na wala talagang galang ang China sa mas maliliit na bansa sa rehiyon at laging binabanggit lamang ang isyu, o takot nila, sa U.S. na hindi raw dapat nakikialam.
Kaya ganundin lang ang mga kilos at aksyon ng China sa Pilipinas, lalo na noong naging Presidente si Marcos. Ilang beses nang nakatanggap ng pangbu-bully at pananakot ang ating mga barko at mangingisda mula sa China Coast Guard. Wala na kasi ang kaibigan ng Beijing sa Palasyo kaya ganyan sila kaagresibo at kabastos.
Kasabay nito ang paglayag ng BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard (PCG) patungong Philippine Rise para puntahan ang dalawang barko ng China na nagsasagawa ng research sa nasabing lugar. Ang Philippine Rise ay saklaw ng 200-nautical mile exclusive economic zone. Walang ibang bansa na katabi ang Pilipinas sa silangang bahagi kaya walang ibang pwedeng umangkin nito.
Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ng dalawang barko ng China sa Philippine Rise at napakalayo na nito sa anumang bahagi ng China. Patunay lamang kung gaano kagahaman ang China na angkinin ang anumang likas na kayamanang maidudulot ng isang lugar.
Ang masasabi ko lang, kung namataan na noon pa na patungo ang dalawang barkong panuri sa Philippine Rise, sana umaksyon na kaagad ang PCG. Alam ko na kulang na kulang tayo sa kagamitan at tauhan, pero kailangang bantayan ang ating teritoryo.
Alam siguro ng China na hindi nababantayan ang Philippine Rise kaya sila nagtungo roon. Ngayong may naglalayag ng barko ng PCG, baka umalis na sila. Mas may teknolohiya ang China para makita kung anong barko ang lumalayag saan man sa mundo.
Tama si Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa kanyang pahayag sa China na itigil na ang harassment. Hinikayat na pag-usapan nang mapayapa ang mga isyu at problema sa karagatan, at huwag idaan sa pananakot at pananakit. Pero hindi naman marunong makipag-usap ang China at lahat idadaan sa lakas ng kanilang Coast Guard at militar. Kaya maingay kapag umeeksena ang U.S. sa South China Sea dahil nakahanap sila ng katapat.
- Latest