Higpitan ang patakaran
Maraming videos ang lumalabas online kung saan kinukunan ang mga e-bike, e-trike at e-scooter sabay reklamo na hindi sila dapat nagdaraan sa mga kalsadang maraming sasakyan, partikular sa national roads dahil mabagal sila at walang kalaban-laban kung sakaling maaksidente. Marami pa nga, mga bata ang nagmamaneho.
Lahat iyan, walang lisensiya, hindi rehistrado ang sasakyan. Kaya ang tanong, panahon na ba para ipagbawal sila sa mga pangunahing kalsada, kailanganing iparehistro at dapat lisensiyado ang magmamaneho?
Sa tingin ko, dapat lang. Una, kailangang ipagbawal silang dumaan sa mga pangunahing kalsada o national highways. Nalaman ko na ang mga local government units (LGUs) ang dapat nagpapatupad niyan sa kani-kanilang lugar.
Kailan lang ay ipinaalala ng DILG sa lahat ng LGU na mahigpit na ipatupad ang pagbawal ng mga tricycle, pedicab gumamit ng national highways. Ngayong laganap na ang paggamit ng mga de-bateryang sasakyan tulad nga ng e-trikes, kailangang kumilos na rin ang mga LGU hinggil dito at pagbawalan na rin.
Pangalawa, hindi dapat pinapayagan ang bata na magmaneho ng mga ito. Hindi ko alam kung bakit pinapayagan ng mga magulang nito gumamit ng mga sasakyang iyan sa pampublikong kalsada. Ano ang laban nila kung maaksidente? At ano ang pananagutan nila kung sila ang makaaksidente? Hindi laruan ang mga iyan para gamitin sa pampublikong kalsada.
Pangatlo, kung gumagamit din lang sila ng mga pampublikong kalsada, kailangan rehistrado na ang mga iyan, at dapat lisenyado ang gumagamit. May iba, ginagamit na ring pampasada at naniningil sa sumasakay.
Noong Pebrero 5, sinimulan ng LGU ng San Mateo, Rizal ang paghuli sa mga e-trikes, tricycle at pedicab na nagdaraan sa national highway. Kapag unang beses mahuli ang tricycle ay multa kaagad ng P2,500. Ganundin para sa pangalawang huli at kapag nahuli ng pangatlong beses, babawiin na ang prangkisa o lisensiya. Mga e-trikes ay multa kaagad ng P2,500.
Sana maraming LGU ang sumunod na rin at maglabas ng mahigpit na patakaran hinggil sa paggamit ng mga sasakyang ito. Dapat bantayan ng DILG kung pinatutupad nga ang mga batas. Para rin naman sa kaligtasan ng mga nagmamaneho at nakasakay.
- Latest