EDITORYAL — Hindi mapigilan pagtaas ng gas
ANIM na beses nang nagtataas ng presyo ang petroleum products. Kahapon, nagtaas ng P1.60 ang gasolina, P1.10 ang diesel at P1.00 ang kerosene. At ang masamang balita, magpapatuloy pa raw ang pagtaas ng petroleum products hanggang sa kalaghatian ng 2024 o hanggang Hunyo. Ibig sabihin, apat na buwan pang magdurusa ang mamamayan. At paano kung hindi lang hanggang Hunyo at umabot pa sa Disyembre 2024?
Ayon sa Department of Energy Oil Industry Management Bureau, ang pagtataas ay dahil sa pagtigil ng operasyon ng supply lines at logistics ng oil facilities sa Russia. Dahilan din ang ginagawang pangha-hijack ng mga pirata sa mga oil tanker sa Red Sea.
Kapag nagpatuloy ang pagtataas gaya nang nangyari noong Setyembre 2023 na 10 linggong sunud-sunod, apektado ang mamamayang kakarampot ang suweldo. Sa pagtaas ng petrolyo, sabay na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas na ngayon ay P40-45 ang kilo; sardinas, noodles, isda at karne.
Ang pinakamasakit, kapag humingi ng panibagong increase ng pasahe ang transport groups. Dahil sa pagtaas ng petrolyo, wala nang kinikita ang mga drayber. Kakarampot ang inuuwi sa pamilya at kulang pa dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Ang naiuuwi nilang P700 ay P300 na lamang. Saan aabot ang P300?
Noong nakaraang taon, nagbigay ng fuel subsidies ang pamahalaan sa PUV drivers. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng delivery services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle drivers ay P1,000.
Pero ang subsidiya ay panandalian lamang. Pantapal lamang ito para maibsan ang kumukulong sikmura ng mga drayber at kanilang pamilya. Kapag naubos ang subsidy, balik uli sa paghihikahos dahil patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng petrolyo na gaya nga ng sinabi na mga eksperto na aabot pa sa kalaghatian ng taon.
Isa sa pinapanukala nang nakararami ay suspendihin muna ang excise tax sa petroleum products para bumaba ang presyo. Nakasaad sa TRAIN Law na kapag ang presyo ng bawat bariles ng langis ay umabot sa $80, maari nang suspendihin ang tax sa petroleum. Sa kasalukuyan, pumapalo na sa $82.03 per barrel ng crude oil sa world market.
Bakit hindi gawin ang pagsuspende ng excise tax? Ito ang pinakatamang paraan para maibsan ang bigat na pinapasan ng mamamayan dahil sa sunud-sunod na oil price hike.
- Latest