^

PSN Opinyon

Tocino at ‘farming’ backup sa mga OFW

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Isa ring magandang negosyo ang paggawa at pagbebenta ng tocino, longganisa at tapa, at maging ang pagtatanim o pagsasaka. Isang alternatibo o dagdag na kabuhayan para sa mga overseas Filipino worker na nagbabanat ng buto at nagpapatulo ng pawis sa ibang bansa para sa kinabukasan nila at ng kanilang pamilya.

Nagsisilbi rin si-lang “back-up” kung sakaling mawalan ng trabaho o biglang napauwi sa Pilipinas ang isang OFW o dumating ang oras na kailangan na niyang magretiro. Kaya may mga OFW sa iba’t ibang bansa na binibigyan ng edukasyon, kaalaman o pagsasanay sa iba’t ibang klase ng kabuhayan na maaari nilang magamit at mapakinabangan sa hinaharap.

Maihahalimbawa rito iyong mga nasa Middle East, Europe, at Southweast Asia.

Noon ngang Enero 26, 2024, sa embahada ng Pilipinas sa Manama, Bahrain, isang skills training ang magkatuwang na inilunsad ng Migrant Workers Office Bahrain, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ng isang organisasyon ng mga OFW sa Bahrain na kilala sa pangalang Pinay Ikaw Na (PIN).   Isa itong pagsasanay sa food processing tulad ng paggawa ng tocino, longganisa at tapa na dinaluhan ng 25 OFW, ayon kay Cecil Ancheta na isa ring OFW na nagtatrabaho sa Sherry International Media sa Bahrain.

Naging contributing writer din si Ancheta sa dating Middle East edition ng Pilipino Star Ngayon.

Sa naturang pagsasanay, ayon kay Ancheta, sinabi ni OWWA Officer Dr. Amelito S. Adel na ang hakbang na ito ay nagbibigay ng dagdag na mga oportunidad sa mga migranteng manggagawang Pilipino para mapalawak ang kanilang karunungan at pag-ibayuhin ang kanilang kumpiyansa sa sarili na ang dulong layunin ay mapaangat ang kanilang pamumuhay.

Ang mga dumalong OFW ay tinuruan sa pagproseso ng tocino, longganisa at tapa, sa sanitasyon para maiwasan ang kontaminasyon sa produkto, pagsasaayos ng mga kinakailangang kasangkapan at ibang materyales at wastong paggamit sa mga mixtures sa processing.

Hinikayat naman ni PIN President Dinah Sta. Ana ang mga lumahok sa pagsasanay na “gamitin ninyo itong pangkabuhayang oportunidad na maaaring makapagpasimula ng maliit ninyong negosyo at magkaroon kayo ng sarili ninyong mapagkakakitaan pagkatapos magtrabaho sa ibang bansa.

Para naman kay Jacqueline Natinga, 40 anyos na officer ng Philippine Bahrain Caregivers Society (PBCS), “Magandang programa ito para magkaroon ng kasanayan sa paghiwa ng karne, paghahanda ng mga sangkap, at pagsasagawa ng basic processing functions.”

Masipag ding nagsulat ng mga natutuhan niyang kaalaman ang 48-anyos na si Marijoy de Vera na 17 taon nang nagtatrabaho sa Bahrain. “Maraming kaalaman dito.

Dumalo ako rito bilang paghahanda ko pag-alis (dito sa Bahrain) pabalik sa Pilipinas para makasama ko ang aking pamilya at simulang pagkakitaan ang pagproseso at pagbebenta ng tocino, longganisa at tapa bilang paunang negosyo,” wika pa ni de Vera.

“Ibayong mapapahalagahan ng mga OFW ang kanilang sarili sa programang ito habang ibinabahagi sa kanila ang tamang kaalaman na gagabay sa kanila sa hinahangad nilang kinabukasan,” paliwanag ni MWO-OIC Celia V. Cabadonga na nagpasalamat sa PIN sa pakikipagtulungan nito sa proyekto.

Umaabot naman sa 15 OFW at siyam na Filipino immigrants/students ang lumahok noong Enero 27, 2024 sa Taiwan, ang tinuruan sa pagtatanim sa unang training program in organic farming na inilunsad ng Manila Economic and Cultural Office.

Ayon sa naglabasang mga ulat, isinagawa ang naturang programa para mabigyan ang mga OFW at ibang dumalo ng mga kakayahan sa makabagong organikong pagsasaka na mapapakinabangan ng mga indibidwal at maka-ambag sa dagdag na produksyon sa pagkain sa Pilipinas.

“Nagpatupad kami ng isang programa para bigyang-kaalaman ang ating mga OFW at maging ang ating mga Filipino immigrant at estudyante sa Taiwan hinggil sa modern organic farming para magamit nila ito pag-uwi nila,” paliwanag ni MECO Chairman Silvestre Bello III sa Ingles.

“Sa ganitong paraan, kahit unti-unti, umaasa kaming makakaambag ito sa lokal na produksiyon ng pagkain at mapabuti ang buhay ng ating mga OFW, immigrants at estudyante pagbalik nila sa Pilipinas.”

Karamihan ng mga dumalong OFW ay nagtatrabaho sa manufacturing sector, ayon kay MWO Director David Des Dicang.  Ang training program ay magkatuwang na inilunsad ng MECO Kaohsiung Extension Office, Migrant Workers Office (MWO), at ng Kaohsiung-based AgriGaia Social Enterprise International Ltd.

* * * * * * * * *

Email – [email protected]

vuukle comment

FOOD

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with